Abante Tonite Interactive

Kaabang-abang! Smartphone na makasusuri ng sakit

506

Julius Segovia

julius-segovia‘Di na talaga maawat ang pag-usbong ng teknolohiya sa makabagong panahon. Hindi maglalaon pati sakit, puwede nang masuri gamit ang inyong mga telepono.

Nagbigay ang Google ng donasyon sa Doctors Without Borders / Medecins Sans Frontieres (MSF) para sa paggawa ng Smartphone app na makasusuri ng sakit.

Mahigit isang milyong dolyar na donasyon ang natanggap ng MSF mula sa Google Artificial Intelligence Impact Challenge. Nakalaan ang donasyon sa pagbuo ng isang mobile app sa smartphones na makatutuwang ng mga doktor para malaman kung may antibiotic resistance (ABR) ba ang isang pasyente.

Gagamitin ang app sa mga lugar na mahirap makapagtayo ng labo­ratoryong kumpleto sa kagamitan at mga eksperto.

Papangalanang ASTapp ang mobile application. Magagamit ito kahit offline o walang internet. Sa tulong ng litrato at artificial intelligence, masusukat ng app ang resulta ng mga pagsusuri at malalaman kung mayroong ABR ang isang pasyente­ at kung gaano na ito kalala. Malalaman ng mga doktor sa pamamagitan nito kung anong gamot ang makalulunas sa pasyente.

Isa ang ABR sa mga pinakamapanganib na banta sa kalusugan sa buong mundo. Tinatayang ito ang magiging panguna­hing sanhi ng pagkamatay sa susunod na 50 taon.

Ang ABR ay ang hindi pagtalab ng antibiotic sa iyong impeksyon na nagdudulot ng hindi paggaling mula sa sakit. Ang dahilan nito, ang hindi tama at kumpletong pag-inom ng antibiotic.

Unang susubukan ang ASTapp sa huling­ bahagi ng 2019, sa laboratoryo ng MSF sa Amman, Jordan. Mataas ang kaso ng ABR sa Middle East dahil sa impeksyong tinamo ng mga nasugatan sa giyera, at dahil na rin nabibili over the counter ang maraming klase ng antibiotic.

Target naman ng MSF na magamit ang ASTapp sa Yemen, Liberia, Mali, Haiti, at Central African Republic pagda­ting ng 2020.

Ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay isang medical humanitarian organization na aktibong tumutulong sa higit 70 bansa sa buong mundo kabilang ang Pilipinas para magbigay ng agarang tulong medikal sa mga apektado ng giyera, epi­demya, kalamidad, at kawalan ng access sa kalusugan.