Abante Tonite Interactive

Kaanak tinodas matapos magwalwal

519

Nasawi ang isang 48-anyos na lalaki nang barilin ng nakainuman nitong kamag-anak sa Trece Martires City, Cavite.

Dakong ala-1:30 kahapon ng madaling-araw nang ideklarang patay ng mga Doktor sa MV Santiago Hospital ang biktimang si Bernardo Gabriel, may-asawa, ng Brgy. Gregorio Trece Martires City, Cavite matapos barilin ng kanyang kamag-anak na si Nestor Pellos, 66, ng Brgy. Osorio Trece Martires City, Cavite.

Sa ulat ni P/Cpl. Eduardo Reyes, ng Trece Martires City Police Station, nag-inuman ang biktima, suspek at apat pa nilang kasamahan na pawang magkakamag-anak dakong alas-8:30 kamakalawa nang gabi sa bakanteng lote sa Purok 2 Brgy. Osorio, Trese Martires City, Cavite.

Patapos na umano silang mag-inuman kung saan nakaalis na ang isa habang tulog na rin ang isa pa nang bigla umanong nagbunot ng baril ang suspek at walang sabi-sabing binaril ang biktima.

Ayon kay Reyes, wala umanong makapagbigay ng konkretong dahilan kung bakit binaril ng suspek ang kaanak.

Sa presinto, itinanggi naman ng suspek na siya ang bumaril bagama’t itinuro siya ng isang menor de edad na saksi. (Gene Adsuara)