Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kaaway sinakal, nilibing sa damuhan

0 65

Makalipas ang humigit-kumulang dalawang linggo, natunton ang bangkay ng isang 22-anyos na construction worker matapos na ibaon sa hukay ang katawan niya sa isang madamong lugar ng isang dating barangay captain sa Cavite City, Huwebes ng hapon.

Kinilala ang naarestong suspek na si Rowell Tamboon, 40, alyas ‘Boy Toy’ ng Soriano St., Brgy. 24, Caridad, Cavite City habang pinaghahanap ang mga kasama niyang sina Reynald Angeles Mayo alyas ‘Mayo’, 20, ng Soriano St., Brgy. 57, Caridad at alyas ‘Totot’, pawang mga suspek sa pagpatay sa biktimang si Ricky Boy Aleman Colarte, alyas ‘Rick Boy,’ ng Soriano St., Brgy. 24, Caridad, Cavite City.

Si Tamboon ay isang dating barangay kagawad at humalili sa namatay na barangay captain pero isang araw lamang sa puwestong kapitan matapos maaresto dahil sa ilegal na droga. Sinasabing tulak din siya ng droga sa kanilang lugar.

Sa ulat ni Pat. Argel Caragay ng Cavite City Police Station, dakong alas-12:40, Huwebes ng hapon nang hukayin ang bangkay ng biktima sa isang madamong lugar sa Sitio Draga, Brgy. 57, Caridad, Cavite City. Napag-alaman lang ang pinaglibingan sa biktima nang may magsumbong na may nagbaon ng katawan sa nasabing sitio.

Nauna rito, nakatanggap ang Cavite CPS mula sa PNP E-Sumbong ng impormasyon kung saan isang Ricky Boy Aleman, alyas ‘Ricky Boy,’ ang nawawala simula pa noong Setyembre 22, 2021.

Dagdag pa na nakakuha ng impormasyon ang pamilya ng biktima na si Ricky Boy ay pinatay at inilibing ng suspek sa isang madamong bahagi sa nasabing lugar.

Related Posts

Rumesponde ang mga operatiba ng Cavite CPS sa pamumuno ng hepe na si P/Lt. Col. Gilbert Cruz at nagtungo sa Draga kasama ang saksi. Ininguso ng saksi ang suspek na si Tamboon na naunang naaresto sa isang buy-bust operation dakong alas-9:46 Miyerkoles ng gabi. Nahukay ang bangkay ng biktima sa madamong bahagi sa lugar dakong alas-12:40 Huwebes ng hapon. Nakagapos ang bangkay.

Inamin ng dating barangay kagawad ang ginawang krimen nang tanungin dahil may nakakita umano sa insidente. Kasama aniya niya ang iba pang suspek sa pagpatay sa trabahador at pagbaon sa labi nito.

Sabi ng suspek, sinakal niya ang biktima gamit ang tali sa lugar mismo kung saan nila binaon kalaunan ang bangkay.

Nag-ugat umano ang pagpatay ni Tamboon kay Colarte hinggil sa nawawalang papel sa isinanlang motorsiklo sa una na pag-aari ng isang ‘Dante’. Isinumbong umano ng biktima sa may-ari ng tricycle na hindi totoong nawawala ang dokumento kundi itinatago lamang ito ng suspek matapos nitong katayin ang motorsiklo.

Itinanggi ng suspek ang pagnanakaw ng mga parte ng motorsiklo at giniit na may papatayin din noon ang biktima kaya sila kumilos. Humingi siya ng tawad sa pamilya Colarte. (Gene Adsuara/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.