Abante Tonite Interactive

Kababaihan delikado sa bakla-baklaan

815

Lapid kontra sa SOGIE bill:

Hindi pabor si Senador Lito Paid sa panukalang Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression (SOGIE) Equality Bill sa Kongreso dahil kaya naman aniya itong solusyunan ng mga lokal na ordinansa ng bawat bayan o lungsod.

“Hindi na siguro kasi dati na naman silang pumapasok sa (comfort room) ng pambabae at panlalaki,” pahayag ni Lapid sa panayam ng mga Senate reporter kahapon.

Katuwiran ng senador, napalaki lang umano ang isyu bunsod ng nangyaring pagkaladkad sa transgender na si Gretchen Diez matapos pumasok sa pambabaeng comfort room ng Far­mers Plaza sa Araneta Center, Quezon City noong nagdaang linggo.

“Napalaki lang kasi, may nasaktan, may naagrabyado. ‘Di alam na may batas na pala pero kung alam ng janitress na may batas ay irerespeto nila ‘yun,” sabi ni Lapid.

Naniniwala naman ang senador na maaaring malagay sa panganib ang mga kababaihan sa oras na paya­gan ang mga transwoman na makihati sa comfort room ng kababaihan.

“Kung itutuloy ang sinasabi nila na ang mga kapatid na bakla pupunta dun sa babae, eh ang dami maga­ling na magbabakla-baklaan. Sabi ko nga kay SP (Senate Presidente Vicente ‘Tito’ Sotto III), ‘yung Tito, Vic and Joey ang galing n’yo nga diyan,” ayon kay Lapid.

“Kung ang tomboy naman ang pumasok sa amin, eh mga tomboy, magkakamalisya rin ang lalaki dun sa tomboy,” dugtong pa ng senador. (Dindo Matining)