Abante Tonite Interactive

Kababaihan sa Pateros palaban sa mga kriminal

298

Isang women’s group na binubuo ng 18 babae, na ang iba ay mga lola na, ang katuwang ng pamahalaang lokal ng Pateros sa pag­laban sa kriminalidad.

Tinatawag na Wo­men’s Patrol, ang kababaihan na ito ang nagpapatrolya sa mga madidilim na lugar sa Pateros.

Ayon kay Jenny Helo, 39, na siyang lider ng grupo, nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang war on drugs noong 2016 ay isa ang Pateros sa inatake ng Bonnet Gang na nagdulot ng takot sa may 63,000 residente.

Ang takot na ito ang nagbunsod umano sa grupo para magbantay sa kanilang komunidad sa buong gabi na ta­nging armas ay flashlight.

“When we started patrols, the enthusiasm came back to our community and the fear disappeared. Back then, people were afraid to go out. But when they saw how effective we are, because of how we really go around the community, people regained confidence,” paliwanag ni Helo.

Ayon kay Helo, hindi man nila natukoy kung sino ang mga nasa likod ng Bonnet Gang, naniniwala naman sila na napigilan na ang gawain ng grupo dahil sa kanilang ginagawang pagpapat­rolya sa mga pamaya­nan.

Kinilala naman ni Col. Simnar Gran, hepe ng Pateros Police, ang kontribusyon ng Women’s Patrol sa paglaban sa krimina­lidad na aniya’y boluntaryo at walang bayad bilang pagmamalasakit sa kanilang mga pamayanan.

Sinabi ni Gran na may kasama ring pulis ang kababaihan sa pagpapatrolya. (Armida Rico)