Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kabastusan sa school module

0 141

Sadya yatang talamak din mga tropapips ang “utak-kamunduhan” ngayong pandemic. Mantakin mong pati ang walang kamuwang-muwang na module na gagamitin ng mga kabataang estudyante eh nasingitan pa ng kabastusan.

Pero bago yan, aba’y hindi tayo nagkamali mga tropapips sa babala natin na mas marami pang “scandal” ang lalabas sa social media dahil sa mga videoconference na ginagawa ng marami para iwas-hawa sa COVID.

Kung dati eh may isang mambabatas sa Ireland na naka-long sleeves pero nabistong naka-brief lang at hinihimas-himas pa ang legs niya habang naka-videoconference sa isang committee hearing, ngayon naman ay may mambabatas sa Argentina na nakitang hinahalikan ang boobs ng babae na kasama niya sa kuwarto.

Katulad dito sa atin sa Pilipinas, naka-videoconference din ang sesyon ng Kongreso sa kanila, at kabilang ang mambabatas na nagngangalang Juan Emilio Ameri, sa mga naka-“work from home” set-up.

Mayroon din malaking TV screen sa kanilang session hall para makita ng mga mambabatas na nasa Kongreso ang mga kapwa nila mambabatas na nasa bahay naman. Kaya kitang-kita nila si Ameri nang lambutsingin niya ang babae at saka sinibasib ng halik ang boobs.

Paliwanag naman ni Ameri, masama raw ang signal ng internet sa kanila at akala niya eh wala siyang internet nang romansahin niya ang kaniyang partner na bagong lagay daw ang “palaman” sa boobs. Ang kaso, mali ang akala niya at mahusay ang kaniyang signal.

Sabi ng kanilang pinunong mambabatas, marami na silang mga kasamahan na gumagawa ng kalokohan habang naka-videoconference tulad ng natutulog at nagtatago, pero sobra ang ginawa ni Ameri kaya pinarusahan nila ito ng suspensyon.

Kung tutuusin, walang binatbat ang ginawang iskandalo ni Ameri kumpara sa ginawa ng isang kapitan ng barangay dito sa Pilipinas na nahuli sa videoconference na talagang “tinodo” na ang romansa sa kaniyang sekretarya sa barangay hall pa mismo.
Kaya sa mga nagvi-videoconference at sa may mga anak na may online class, aba’y ingat sa mga pinaggagawa dahil “mahina” o “masama” rin ang internet signal dito sa atin. Maliban na lang siyempre doon sa isang sikat na aktres.

Balik na tayo sa module, sa simula mga tropapips eh natawa raw ang isa nating kurimaw nang malaman niya ang tungkol sa school module na ginagamit sa isang private school na naglalaman ng mga pangalan na “double meaning” [may kabustusan) tulad ng Tina Moran, Malou Wang at Pining Garcia.

Para sa mga “matured,” natural na siguro ang madinig ang naturang mga pilyong “pangalan.” Kung tutuusin, marami pa iyan; tulad nina Tiyo Paeng, Malie Vogue at Gina Cole, na asawa ni Jack. Pero dahil mga kabataang estudyante ang gagamit ng module, aba’y maling-mali ang lagyan ito ng kalokohan. Ano kayang kinain ng gumawa ng module na ito?

Mabuti na lang ay may netizen na naglabas nito kaya nakarating sa kinauukulan. Dapat ganito rin ang gawin kung may makikita pang kabulastugan sa iba pang mga module. Kung ang mga maling detalye sa mga libro eh pinupuna, aba’y lalo na ang mga ganitong kalokohan.

Bagaman hindi ang DepEd ang gumawa ng module dahil sa private school ito ginamit, nangako pa rin ang kagawaran na aaksyunan ang isyu. Pero dahil sa Oktubre 5 pa ang simula ng klase sa public school na sakop ng DepEd, tanong ng ating kurimaw, may ganito rin kayang katulad na kalokohan na makita sa modules nila? Aba’y abangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.