Abante Tonite Interactive

Kabataan, ‘wag katamaran ang pag-aaral

0 349

Ako’y talaga namang nalulungkot sa napupuna kong tila nagiging kaugalian na ng marami sa ating kabataan sa ngayon, kung saan kumukulimlim pa lamang ang panahon ay wala na silang inisip kundi sana ay magsuspinde na ng klase ang pamahalaang lungsod.

Ang pagsususpinde ng klase ay hindi ganu’n-ganu’n lamang. Hindi ito isang katuwaan lang. Ito ay may kaakibat na gabay mula sa ating weather bureau at kung minsan, konsultasyon sa ating mga education authorities.

Nitong Lunes, Set­yembre 30, ay binaha ang aking cellphone ng mga request na isama ang pre-school at senior high schools nang ating suspindihin ang klase sa private at public colleges at graduate schools, kaugnay ng ginanap na nationwide transport strike.

Produkto ako ng public school kaya alam ko na ang mga mag-aaral sa isang public school ay tiyak na sa bisinidad lamang ng paaralang kanyang pinapasukan nakatira. ‘Yan ang alituntunin. Samakatwid ay hindi sila apektado ng transport strike.

Mula July 1 ay walong beses na ta­yong nagsuspinde ng klase dahil sa masamang panahon at bagama’t pinahahalagahan natin ang kapakanan ng ating mga mag-aaral, kinakailangan nating balansehin, dahil sa isang banda ay baka hindi naman maging maganda ang epekto sa pag-aaral ng bata kung wala tayong ginawa kundi magkansela ng klase, dahil prayoridad din natin ang edukasyon.

Ewan ko ba pero nu’ng aking kabataan, nalulungkot ako kapag walang pasok dahil iniisip ko, sayang ang isang araw na lilipas na wala akong natutunan.

Sa kabataan, pakiusap ko ay ‘wag na ‘wag kayong tatamarin sa pag-aaral.

Mapalad kayo dahil hindi kayo kagaya ko at ng maraming gaya ninyong bata na nakaranas ng kahirapan bilang estudyante at napagdamutan ng pagkakataon na makapag-aral sa mamahaling paaralan.

Pahalagahan at mahalin ninyo ang pag-aaral dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong makatuntong ng paaralan. Edukasyon lang ang pinakatiyak na paraan upang kayo ay makaahon sa kahirapan at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Kukunin ko na rin ang pagkakataong ito para ipanawagan sa kabataang estudyante na sana ay ‘wag silang magmadali sa pag-aasawa.

Walang masamang mag-ibigan. Ang masama ay ‘yung hindi mo tanggapin ang re­yalidad ng lipunang iyong kakaharapin. Ang pakikipagrelasyon ay may mga kalakip na gastusin. Hindi rin imposible na makabuntis ka o ‘di kaya ay makabuntis nang wala sa panahon.

Kaya sana, ituon nyo muna ang inyong buong atensyon sa pagtatapos ng pag-aaral, pagkakaroon ng matatag na hanapbuhay o negosyo, pagtulong sa inyong mga magulang o kapatid, mag-ipon at higit sa lahat, i-enjoy ang pagiging binata o dalaga at ang bunga ng inyong maraming taong iginugol sa pag-aaral.

Sa mga magulang, gabayan ninyo ang inyong mga anak na huwag katatamaran ang pag-aaral.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. God first!

***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso.’