Abante Tonite Interactive

Kabataang nahuli sa curfew hinawla ni kapitan

815

Viral sa social media ang litrato ng mga kabataang lalaki na magkakasamang kinulong ng barangay captain sa dog cage matapos umanong lumabag sa ipinatupad na curfew sa kanilang lugar sa Brgy. Gatid, Sta. Cruz, Laguna noong gabi ng Lunes, Marso 16.

Nabatid na nireklamo na sa himpilan ng pulisya ang barangay captain na si Frederick Panisan Ambrocio matapos ikulong sa dog cage ang grupo ng kabataan na kinabibilangan ng menor de edad na estudyante at tatlo pang kalalakihan.

Batay sa salaysay ng mga nagreklamong menor de edad, pasado alas-10:00 ng gabi sinita sila ng mga barangay tanod habang papunta sa bahay ng isa nilang kaibigan at dinala sa barangay hall.

Doon nila nakaharap si Ambrocio na nagalit sa kanila at ikinulong sila sa dog case. Pinalabas lang umano sila ng barangay official matapos na magmakaawa sila rito.

Kaugnay nito, sinagot naman ni Ambrocio ang mga paratang laban sa kanya at inilahad ang aniyaý totoong pangyayari sa Santa Cruz Cityhiid Facebook page.

Ipinaliwanag nito na nagpatupad sika ng curfew sa itinakdang oras dahil na rin sa pag-uutos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Kasabay umano ng pagpapatupad nila ng curfew ang panghuhuli ng mga asong paga-gala sa kanilang lugar.

“Ang mga nasabing mga kabataan ay amin pong sinita para magsiuwian na. Sa madaling salita po, sila po ay tumangi sa aming pinag-uutos,”ani Ambrocio. Ang masakit a uman ay minura pa sila ng mga naturang kabataan na ayon kay Ambrocio ay mga lasing at sinabi pang hindi na umano sila menor de edad.

Ayon kay Ambrocio, ipinatutupad lamang nila ang batas para maging maayos at ligtas ang lahat pero nakakarinig pa sila ng masasamang salita.

Sa kabila nito, humingi na rin ng paumanhin si Ambrocio sa pangyayari.

“Äko po, kami po ay humihingi ng paumanhin, pang-unawa at higit sa lahat ay respeto! Mula po sa akin at sa aming puso…Sorry po talaga sa mga nangyari,” ayon pa sa pahayag nito.

May mga netizen na nagkomento sa insidente at sinabing hindi tama ang ginawa sa mga kabataan at lumabag man sila sa curfew ay may tamang parusa hinggil dito. Nangangamba naman ang ibang netizen na kung may virus carrier umano sa mga kinulong na kabataan ay baka makahawa ito.

Umabot na sa 9,900 ang nag-react sa litrato ng mga nakahawlang kabataan habag 4,300 ang nagkomento at 13,000 netizen ang nag-share nito.