Abante Tonite Interactive

Kable ng MRT sa Shaw, ninakaw

273

Nahaharap sa kasong theft ang dalawang lala­ki matapos mabuking ang pagnanakaw nila ng kable ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Shaw Blvd. Station, Mandaluyong City kamakalawa nang madaling-araw.

Sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District, nakilala ang mga suspek na sina Jose Llaneta Jr. y Misperos, 43-anyos, ng Caloocan City at Allan Garcia y Prado, 38, ng Mandaluyong City.

Sa report ng MRT Shaw administration office, naispatan ng mga security guard ang dalawa na may dalang sako at nagmamadaling tumakas palabas ng riles ng MRT-3 sa Shaw Boulevard Station bandang ala-1:37 Huwebes nang madaling-araw.

Narekober mula sa mga suspek ang copper stranded power cable wire, 6 metro ng green grounding cable, 16 pulgada ng power cable, limang piraso ng power cable insulator at isang power cable na may habang 2 metro. Nakuha rin ang bitbit nilang gamit na pliers, hack saw, wood saw, cutter at open/back wrench.

Nabatid na ang ninakaw na grounding cable ay ginagamit para mabawasan ang mga electric shock sa MRT.

Nilinaw naman ng MRT-3 administration na hindi maaapektuhan ang operasyon ng MRT sa naganap na pagnanakaw. (Vick Aquino)