Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kabuhayan at pagbubukas ng ekonomiya

0 1,016

Nagkaroon ng malawakang lockdown noong Marso 2020 kung saan pansamantalang nilimitahan ang paglabas natin mula sa ating mga tahanan para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Nahinto ang sigla ekonomiya at marami sa mga kababayan natin na walang trabaho ang nagipit at naghirap sa pagtustos ng pangangailangan nila sa araw-araw.

Iba pa ito sa maraming manggagawa sa iba’t ibang sektor na natigil sa trabaho at nawalan ng kabuhayan, maliit man o malalaking negosyo.

Ngayong 2021, mahigit isang taon na tayong nakikipaglaban sa pandemya kaya panahon na para tuloy-tuloy at ligtas na buksang muli ang ating ekonomiya. Hindi pwede na palagi na lamang tayong nakakulong sa ating mga tahanan. Kaya naman patuloy ang paghahanda ng lokal na pamahalaan para akayin pabalik sa kanilang mga trabaho at kabuhayan ang mga Taguigeños.

Bago pa man ang pandemya, multi-awarded na ang Public Employment Service Office o PESO ng Taguig at noon pa man ay nag-aabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga negosyo sa lungsod. Nais natin ngayon na paigtingin at palawakin pa ang ating suporta sa mga negosyo at lahat ng manggagawa sa lungsod.

Ilan sa mga programa sa Taguig na sumusuporta sa mga negosyo ay ang MSME Center and Assistance para sa mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa lungsod. Malapit na ang rollout nito para gabayan at tulungan ang maliliit na negosyo. Nauna nang nagbigay ang lokal na pamahalaan ng pinansyal na tulong sa MSMEs para sa maayos na pamamahala at pagpapalago ng kanilang mga negosyo.

Magkakaroon na ang Taguig ng Job Center na magsisilbing employment one stop shop ng mga Taguigeños para mabigyan sila ng magandang oportunidad sa trabaho sa New Normal at matulungang mahasa ang kanilang mga kakayahan. Ang itinatayo na MSME Center at Job Center sa lungsod ay may dedikadong building na matatagpuan sa Barangay Pinagsama. Sa 5-storey building na ito rin matatagpuan ang bago at modernong City Library na ating ilulunsad.

Bukod pa rito, may Vendors’ Welfare Program sa Taguig para tulungan ang mga vendors na higit na naapektuhan ng community quarantine sa tamang pamamahala ng kani-kanilang negosyo.

May mga online learning tools din ang lungsod tulad ng Open For Business (OFB) webinar para tulungan at gabayan ang mga negosyante at manggagawa sa Taguig na ligtas na bumalik sa kanilang mga hanapbuhay.

Kailangan muling sumigla ang ekonomiya, makaahon ang mga negosyo at makalabas ang mga tao para makapagtrabaho. Posible at magagawa natin ito sa pamamagitan ng patuloy nating pag-iingat at pagsunod sa health at safety protocols.

Para naman maging mas produktibo at ligtas ang bawat manggagawang Taguigeño sa kanilang pagbabalik sa trabaho, mas pinaigting pa ng lungsod ang pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program nito.

Susunod na sa mga babakunahan ang A4 category ng COVID-19 Vaccine Priority List ng Department of Health na binubuo ng mga frontline workers sa essential sectors ng ating ekonomiya. Ilan sa mga kabilang sa A4 category ay mga drivers at konduktor sa commuter transport, mga wet market vendors at mga empleyado sa hotels, delivery services at food and beverage industry.

Libre at sagot ng lokal na pamahalaan ang kanilang pagbabakuna.

Sa ngayon ay nakakapagbakuna ang Taguig ng 4,500 katao bawat araw at plano ng lungsod na dagdagan ito hanggang 6,500 katao kada araw. Sa kasalukuyan, mahigit 80,000 katao na ang nabakunahan sa Taguig.

Kinilala rin ng World Health Organization o WHO ang COVID-19 vaccination program sa Taguig dahil sa mahusay na pagpapabakuna sa lungsod at malawakang preparasyon na ginawa ng lokal na pamahalaan para sa ligtas, mabilis at epektibong pagbabakuna.

Iba na ang ating sitwasyon ngayon kaysa noong Marso 2020. Marami na tayong natutunan para mapigilan ang pagkalat ng virus tulad ng pagpapalawak at pagpapalakas ng ating health care system para sa kapakanan ng ating mga medical frontliners. Nananatili ring mahigpit ang pagpapatupad ng mga health at safety protocols para hindi na maulit ang mga lockdowns at makakilos nang ligtas ang ating mga kababayan.

Handa ang lokal na pamahalaan ng Taguig na akayin at suportahan ang muling pagsigla ng mga ekonomiya at pagbabalik ng maraming trabaho at kabuhayan sa lungsod. Walang maiiwan at sama-sama tayong aahon mula sa pandemyang ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.