Abante Tonite Interactive

Kadamay kawatan ng bahay – Duterte

By
1,043

Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga magnanakaw ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay dahil sa pang-aagaw ng mga bahay na pagmamay-ari na ng mga empleyado ng gobyerno.

Ayon sa Pangulo, inagaw ng Kadamay ang pabahay para sa mga sundalo dahil nadala ang mga ito sa turo ng mga komunista.

Tinutukoy ni Pangulong Duterte ang ginawang pag-okupa ng Kamaday sa housing project sa Pandi, Bulacan na para sana sa mga sundalo at informal settler sa Metro Manila.

Muling lumusob sa paanan ng Mendiola, sa Lungsod ng Maynila ngayong Martes ng hapon ang grupong Kadamay para igiit na bigyan sila ng pabahay ng gobyerno.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya maisip kung ano ba ang nakain ng grupo at bakit naniniwala sa lider komunista na si Jose Maria Sison.

“Yung Kadamay, puro kawatan. Eh inagaw yung sa mga sundalo, sabi ko, ‘eh ibigay na lang ninyo yan. Mahirap lang yan, nadadala ng mga komunista,” anang Pangulo.

Kinuwestiyon ng Pangulo ang sobrang paniniwala ng grupo at iba pang militanteng grupo kay Sison na tila ba siya ang kanilang Diyos at handang itaya ang kanilang buhay.

“Ano bang nakain nyo? P***, bakit kayo maniwala diyan kay Sison? A force in your life that you are ready to die for. Is he God? Puro utak lang naman yan basa ng mga libro nila Karl Marx. Tapos kayong mga g****, susunod-sunod,” dagdag pa ng Presidente.

Matatandaang nagkampo nang ilang buwan sa paanan ng Mendiola ang grupong Kadamay para igiit ang kahilingan sa gobyerno subalit hindi sila pinansin ng mga opisyal sa Malacañang. (Aileen Taliping)