Abante Tonite Interactive

Kadiwa store binuhay

438

Matapos ang higit tatlong dekada, binuhay nina dating First Lady Imelda Marcos at Sen. Imee Marcos ang mga Kadiwa rolling store.

Ang mga Kadiwa store ay nagbebenta ng mas murang presyo ng mga pangunahing bilihin, gaya ng bigas, noodles, asukal, gatas at iba pa.

Nitong Sabado, pinangunahan ni Imee ang launching ng Kadiwa rolling store sa covered court sa Barangay Batasan, Quezon City na layong mailapit sa mga residente ang mas murang mga produkto sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Senadora Imee, ang Kadiwa store ay proyekto ng kanyang ina at yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos na takbuhan ng mga mahihirap na Pinoy dahil sa bagsak pres­yong mga bilihin.

Sinabi ng senador na may ugnayan na rin sila ni Department of Agriculture Sec. William Dar para maisama sa Kadiwa rolling store ang mga produkto ng mga lokal na magsasaka galing ng Ilocos Region at iba pang panig ng bansa.
Sa ngayon, ayon kay Imee, limitado pa sa ilang grocery product ang itinitinda sa rolling store.

Ngayong araw, bubuksan naman ni Sen. Marcos at Manila Mayor Isko Moreno sa Smokey Mountain ang Kadiwa rolling store.

Ayon kay Marcos, magbebenta na rin ang mga Kadiwa store ng nutribun na pamosong tinapay sa mga mag-aaral noong dekada 70 at 80.

Sinabi ni Marcos na malaki ang naitulong ng nutribun para mabawasan ang kaso ng malnutris­yon sa bansa.