Abante Tonite Interactive

Kadugo labas sa problema ng mag-ina

0 835

MADIING sinabi ng aming source na hindi nagkulang sa pagpapayo ang isang pamilya sa kanilang kamag-anak na naguguluhan ang personal na buhay ngayon.

Ganu’n daw ang palaging papel ng pamilya kapag nagkakaroon ng problema ang kanilang mga kadugo, gumigitna lang sila, pero ang may sariling katawan pa rin ang nagdedesisyon.

Kuwento ng aming source, “Naku, huwag nilang idamay ang pamilyang nagmamagandang-loob lang naman sa kamag-anak nila. Pero kahit anong payo ang gawin nila, kung ayaw naman ng may katawan, e, ano ang magagawa nila?” sabi nito.

Pinag-uusapan ngayon kahit saan na mas piniling makasama ng isang kilalang personalidad ang kanyang mga kamag-anak kesa sa umuwi sa mismong bahay ng kanyang ina.

Sabi uli ng aming source, “Alangan namang ipagtabuyan nila ‘yung girl, ‘di ba? Sino ba ang unang-unang magmamalasakit du’n sa tao, kundi ang mismong mga kadugo niya?

“Kaya labas sila sa problema, nagmagandang-loob lang silang tanggapin ang girl. Ang kailangang mag-usap, e, ‘yung mag-ina mismo!

“Plantsahin nila ang mga problema nila para hindi nagpapalipas ng celebration ‘yung girl, sa ibang pamilya!” napakadiing dagdag pa ng aming source.

Nga naman.

Young female personality mahilig mangabog

PINAGKUKUWENTUHAN ngayon ng isang young female personality na mahilig daw mangabog ng kanyang mga kasamahan sa mga ginagawa nilang production numbers sa isang musical-variety show.

Sabi ng isang miron, “Kailangang mapaiba siya sa iba. Kahit meron nang usapan na ganito at ganyan ang isusuot nila sa prod number, e, iibahin niya ang sa kanya.

“Sinusunod niya naman ang color, pero may mga idinadagdag siyang burloloy para siya ang napapansin. Sa dance number nila, e, talagang buwis-buhay ang girl!

“Nilalamon niya ang stage, kinakabog niya ang mga kasabayan niya, mahilig talaga siyang mangabog, sa totoo lang!” kuwento pa ng miron.

Pero nakapangabog na naman ang young female personality, kasama siya sa programang pinagbibidahan ng isang sikat at markadong aktres na pinapangarap ng bawat artista, panalo na naman si kabogera.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Willie nakaalis sa mansyon bago ang Taal eruption

WALANG dapat ipag-alala ang mga tagahanga ni Willie Revillame at Alden Richards dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Taal.

May mga bahay sa Tagaytay si Willie, ang mga ipinagawa niyang villa ay nasa Iruhin, malapit na malapit sa Taal Lake.

Si Alden naman ay nakatira sa Nuvali, umabot na ang ashfall sa lahat ng bayan ng Calabarzon, kaya nag-aalala ang mga fans ng Pambansang Bae kung maayos ba ang kundisyon ng kanyang pamilya.

Sila ring dalawa ang unang-una naming naalala nang magsimula nang mag-alburoto ang bulkan. Lalo na si Willie dahil sa rooftop ng kanyang mansiyon sa Iruhin (malapit lang sa Palace In The Sky sa Tagaytay) ay kitang-kita nang malapitan ang bulkan.

Magkasunod namin silang tinext at sumagot naman sila agad. Maayos ang sitwasyon ng pamilya ni Alden kahit pa laganap din ang ashfall.

Agad namang nakabalik sa Manila si Willie hindi pa man nagsisimulang sumabog ang bulkan, siya mismo ang nagpalipad ng kanyang chopper, kaya nakakuha pa sila ng kanyang mga kasama ng mga retrato ng Taal volcano bago nagbuga ng abo at putik.

Ang mga kaibigan naming naninirahan sa Cavite at Laguna ay ligtas naman, pero inirereklamo nila ang makating ashfall at nagpuputik na kalye, sinabayan pa ‘yun ng kawalan ng kuryente at tubig.

Harinawang maagapan agad ang kalagayan ng mga kababayan natin sa mga lugar na apektado talaga ng pagputok, iwanan na nila ang kanilang mga ari-arian, kesa naman sa mabuwis pa ang kanilang buhay sa senaryong ito.