Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kagat ng aso

0 116

‘Man’s best friend’ kung ituring ang aso hindi lang dito sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo. Sa Japan, tanyag ang Akita dog na si ‘Hachiko’ na hindi matatawaran ang pagmamahal sa kanyang amo. Hanggang ngayon, dinarayo ng mga turista sa Shibuya ang pamosong estatwa ng aso.

Sa totoo lang, wala akong hilig sa pag-aalaga ang aso. Katunayan, takot pa nga ako sa tuwing makakakita nito lalo na ang mga asong pagala-gala lang sa kalye.

Summer ng taong 90s, binisita namin ang kaibigan ng Mommy ko sa katabing bayan. Dala ng pagiging bata, ‘playful’ ako noon. Minsan kinakahulan ko ang aso sa kalye sabay takbo. Sa di inaasahang pagkakataon, mukhang nagalit ang aso sa iskinitang aming nilalakaran, kaya hinabol din ako nito. Kumaripas na rin ako ng takbo. Suwerteng hindi naman ako inabutan. Pero tandang-tanda ko ang pangyayari. Mula noon, tila nagka-phobia na ako sa aso.

Ayon sa Rural Health Unit – Tanza, normal na nagiging mainitin ang ulo ng mga alagang hayop kabilang na ang aso at pusa tuwing summer season. Tila umaayon sa init ng panahon ang pagiging iritable ng mga hayop. Kaya huwag na huwag daw silang gagalitin kung ayaw mong makagat.

Sa tala ng RHU Tanza, umaabot sa 100 ang naitatala nilang animal bite cases kada araw mula nitong nagsimula ang dry season. Dalawa naman na ang naitalang nasawi dahil sa kagat ng aso. Kinumpirma rin ng DOH na may rabies ang nakakagat na hayop sa dalawang pasyente.

Sabi ni Dr. Ruth Punzalan, Municipal Health Officer – Tanza, importanteng mapabakunahan ng anti-rabies ang mga alagang hayop. Ibig sabihin, kailangang isailalim sa regular check-up ang mga alagang aso at pusa para masuri ang kalusugan nila at hindi makapahamak ng ibang tao.

Sakaling makagat ng aso o anumang hayop na hinihinalang may rabies, kumalma at huwag daw magpanic. Ayon sa ilang eksperto, kailangang dalhin agad sa ospital o doktor ang pasyente. Pero kailangan ding malapatan ng paunang lunas.

Para sa mababaw na kalmot o kagat ng aso o pusa, hugasan ng sabon at tubig ang sugat. Itapat din sa ‘running water’ para tuluy-tuloy ang paghugas sa sugat.

Huwag kuskusin ang sugat dahil baka mas lalo itong lumala at maging bukas sa mikrobyo.

Pahiran ng antiseptic lotion o cream.

Kung malakas ang pagdurugo ng sugat, diinan ng malinis na tuwalya o bimpo para mapigil ito.

Huwag mag-aksaya ng oras. Agad nang isugod sa ospital ang pasyente. Mainam ding obserbahan ang alagang aso o pusa kung may senyales ng rabies infection.

Gaya ng tao, may buhay ang aso kaya dapat din silang alagaan at arugain. Huwag silang sasaktan kung nakakagat man sila ng tao. Lagi pa rin natin silang mahalin dahil sa oras ng kagipitan, aso pa rin ang ‘Man’s best friend’.

Leave A Reply

Your email address will not be published.