Abante Tonite Interactive

Kagawad todas, pari sapul sa ambus

349

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang barangay kagawad na pinagbabaril habang sakay ng kanyang SUV sa isang mataong kalsada sa San Pablo City, Laguna Lunes nang hapon.

Nadamay din sa pamamaril at nasugatan sa balikat ang isang pari na nakasakay naman sa isa ring SUV na malapit sa sinasakyan ng biktima nang mangyari ang pamamaril.

Kinilala ng San Pablo City police ang nasawi na si Richard Capal Galit alyas Uso, 37-anyos, kagawad at taga-Pope Pious Village, Purok 4, Brgy. Concepcion, San Pablo City Laguna.

Sa report ng San Pablo City police, nangyari ang pamamaril habang minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Fortu­ner sa Werner Schetelig Avenue, alas-2:15 nang hapon.

Huminto ang biktima dahil sa isang stoplight sakop ng Barangay 4-A na sinamantala ng mga suspek na magkaangkas sa isang walang plakang motorsiklo.

Tumabi ang mga ito sa sasakyan at pinaulanan ng bala ang biktima na nagtamo ng apat na bala ng kalibre .45 baril.

Nahagip din ng mga ligaw na bala ang Isuzu MUX na sinasakyan ng paring si Fr. Mil Larano na nakahinto naman sa intersection.

Agad ding tumakas ang mga hindi nakilalang suspek matapos ang pamamaril.

Inaalam pa ngayon kung may kinalaman sa katungkulan ng biktima bilang barangay councilor at sa trabaho nito na ma­nager ng mga ‘kristo’ sa sabong ang nangyaring pagpaslang.

(Ronilo Dagos)