Abante Tonite Interactive

Kagustuhan ng may-ari ang mananaig

0 300

Dear Atty. Claire:
Mapagpalang araw po, ako po ay isang miyembro ng church sa Pasig. Ang aming church ay mahigit 20 years na pong nakatayo. Ito po ay pinaupahan sa amin ng matagal na panahon. Natapos na po ang kontrata at binigyan po kami ng panahon para makapaghanap ng malilipatan. Gusto namin pong bilhin sa may-ari ang lupa dahil hindi po ganu’n kadali ang humanap ng lupa sa aming lugar. Ngunit ayaw naman pong ipagbili ng may-ari dahil ipapagawa raw po niya ng apartment.

Sa kasalukuyan, hanggang ngayon andito pa rin po kami dahil wala pa rin po kaming mahanap na lugar. Ngunit ang katiwala po ay nais na kaming paalisin.
May karapatan po ba kaming mag-stay dahil wala pa pong malipatan ang church?

Maraming salamat po sa kasagutan.

God Bless,
Emily

Dear Emily:
Ang inyong katayuan ay umuupa lang at ang siyang kagustuhan ng may-ari, matapos ang lease agreement, ang siyang dapat na masunod.

Nasabi ninyo na tapos na ang kontrata ninyo sa upahan. Noon pa man na malapit nang magtapos ang kontrata ay dapat na kinausap na ninyo ang may-ari kung puwede pang ma-extend pa ang kontrata. Kung sakali na umayaw na sila sa pagpapalawig o pagpapahaba ng kontrata ay dapat naghanda na kayo upang makahanap ng malilipatan.

Ang karapatan ng may-ari ng lupa ay nirerespeto rin dahil sila ay may karapatang ma-enjoy at magamit ang ari-arian nila sa paraang gusto nila hangga’t walang ibang karapatan na masasagasaan.

Sa sitwasyon ninyo na tapos na ang kontrata ng upahan ay wala na kayong karapatan na masasagasaan pa kaya’t obligasyon na ninyong i-surrender o mai-deliver ang ari-arian na inupahan ninyo.

***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 9220245/5142143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.