Abante Tonite Interactive

Kahirapan ugat ng vote buying

273

Boyet Jadulco

Matapos ang tatlong buwan na kampanya ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list representative at higit isang buwan na kampanya ng mga kandidato sa lokal na posisyon, huhusgahan na sila ng mga botante nga­yong Mayo 13.

Sa mga kandidato sa pagka-senador, walo ang masasabing kampante na at maghihintay na lamang ng resulta ng halalan.

Siyam na kandidato naman ang kaila­ngan sigurong magsimba sa Baclaran at manalangin na ma­hablot ang isa sa apat na pag-aagawan na puwesto sa Senado. Ilan sa kanila, tiyak na gagawa ng paraan para manalo kahit na hudasin ang mga kaibigan na kandidato.

Mainit din ang bakbakan sa party-list elections. Kabuuang 134 party-list organization ang nakasulat sa balota pero isa lamang ang kailangan iboto.

Sa mga pre-election survey, 13 organi­sasyon ang nakatitiyak na ng isang upuan sa Kamara. Ang topnotcher, awtomatikong bibigyan ng 3 upuan.

Maraming kandidato sa lokal na posisyon ang magiging pukpukan ang laban. Sa mga ganitong sitwasyon, hindi na uubra ang mga pangako kundi pera-pera na ang labanan. Malaking hatag, mas malaking tsansa na manalo sa halalan.

Noong dekada 80, kaliwaan ang bigayan ng pera kapalit ng boto. Pero noong 2016, marami tayong narinig na kuwento na sa remittance center na kinukubra ang pera. Yung iba naman, debit card na ang nakuha. Sosyal!

Yung ibang kandidato, umaarkila pa ng bus para pauwiin sa kanilang probinsya ang kanilang mga kababayan. Sa libreng pasahe, parang binayaran na rin ang botante plus ang bigayan sa mismong halalan.

Ano man ang magiging paraan ng bayaran ng boto ngayong 2019 elections, indikasyon ito na maraming Pilipino ang kayang lunukin ang prinsipyo.

May ibang nagsasabi, ngayon lang sila makikinabang sa mga politiko kaya tinatanggap ang pera dahil kapag nanalo at nakaupo na sila sa puwesto ay hindi na ito mahingan ng tulong.

Kahirapan ang dahilan kung bakit tinatanggap nila ang suhol ng mga kandidato. At habang maraming mahirap sa bansa, hindi mawawala ang vote-buying kahit pa tokhangin ang mga ito. Ika nga, ‘ang taong gipit, kahit sa patalim kumakapit.’