Abante Tonite Interactive

Kahit ‘bugbog’ Fajardo kakabayo para sa Gilas

329

Nagbabawi pa si June Mar Fajardo sa sagarang laro sa playoffs ng PBA Commissioner’s Cup tampok ang anim na laro sa Finals nang kalusin ng San Miguel Beer ang TNT KaTropa.

Pero siniguro ng 6-foot-10 center na ‘di makokompromiso ang duty niya sa Gilas Pilipinas.

Tinapos ng San Miguel ang best-of-seven series sa nakalipas na Biyernes, ipinahinga muna ni Fajardo ang katawan ng tatlong araw.

Martes, ‘di na siya nagtagal sa victory celebration ng Beermen sa San Miguel Corp. headquarters sa Mandaluyong, nagmamadaling pumunta sa ensayo ng Nationals sa kalapit na Meralco gym, Pasig.

Mahalaga kay Fajar­do ang paglalaro sa Gilas.

“Kailangan kong maglaro, kasi kaila­ngan kong i-cherish ‘yung moment na nasa Gilas pa ako,” ani Fajardo sa send-off ng national team Miyerkoles ng tanghali sa Meralco Multipurpose Hall.

“Alam natin na ‘di habang buhay magla­laro tayo rito. So, habang malakas pa tayo, maglaro tayo,” dagdag ng Cebuano.

Binibilisan na lang daw niya ang recovery.

At para makabawi, may araw-araw na routine si Fajardo:

“’Pag nasa bahay ako, kain akong marami. Tapos prutas, tas tulog. ‘Yung tulog talaga ‘yun ang pinakaimportante, kasi katawan ang puhunan. Kailangan makabawi.” (Vladi Eduarte)