Abante Tonite Interactive

Kahit may Clarkson na, PH team dadaan sa butas ng karayom!

By
1,055

Mag-uumpisa na ang Asian Games na gaganapin sa Indonesia at nakaalis na rin ang ating mga basketbolista.

Medyo hindi ma­ganda ang biyahe sa Indonesia kasi hindi nakasama ang Fil-Am NBA player na si Jordan Clarkson na naglalaro sa Cleveland Cavaliers.

Hindi lang ang ating mga manlalaro ang nalungkot, kundi ang b­uong Pilipinas.

Mabuti at nag-iba ang pag-iisip ng mga taga-NBA at biglang pinayagan na maglaro si Jordan Clarkson sa Team Pilipinas.

Hep hep hooray.

Nung una, napabalita na ang mga Chinese playe­r sa NBA na si Zhou Qi ng Houston Rockets at si Ding Yanyuhang ng Dallas Mavericks ay maglalaro para sa China.

Marami tuloy nagtanong kung may favori­tism nga ba ang NBA?

Sa aking basa dito, ang China ay ang pinamalaking viewership at ‘market’ ng NBA sa buon­g mundo. Hindi nila pwede kontrahin ang China sa bagay na ito.

Siguradong makakatulong si Clarkson sa Team Pilipinas.

Sa panibagong schedule ng Asian Games, makakalaban natin ang Kazakhstan sa Agosto 16 at ang China sa Agosto 21.
Medyo maganda ang laban natin kontra Kazakhstan pero kailangan paghandaan din natin sila.

Gumagaling ang mga manlalaro ng Kazakhstan, malalaki at matatangkad.

Ngunit ang China, kahit kasama pa natin si Jordan sa koponan, medyo mahihirapan tayo. Ang 22-anyos na si Zhou Qi ang kaila­ngan natin paghandaan, bukod sa dalawa pang manlalaro ang China na mahigit 7 foot ang tangkad.

Si Zhou ay player ng Houston. Siguradong mahihirapan ang 45-anyos na si Asi Taulava at Beau Belga sa pagdepensa kay Zhou, na matangkad na, mabilis pa.

Baka mas epektibo pa si Almazan para kay Zhou.

Mula 1978, 7 me­dalyang ginto na ang nasusungkit ng Chinese basketball team sa Asian Games. Makalusot man tayo sa China, mabigat ang makalaban natin sa second round, katulad ng Iran, South Korea at Japan.

Ang Iran, nandiyan ang dalawang 7 ft player na si Hamed Haddadi na 7 ft. 2 at si Rouzbeh Arghavan (7 ft), kasama pa rin nila ang tatlong tirador ng Iran na si Berchand Yahchiali, ang sikat na Nikhka Barami, at ang scoring leader nila na si Arsalan Kasemi.

Ang Japan naman na tumalo sa Australia, may mga bagong magagaling na player, si Rui Hachimura na galing Gonzaga University sa America at sigurado daw mada-draft sa NBA, at si Nick Fazekas na halos 7 ft din ang tangkad.

Ang dating coach ng Argentina na si Coach Lamas ay ang coach ng Japan ngayon.

Nandiyan din ang South Korea, Chinese Taipei at Syria. Dadaan ang ating koponan sa butas ng karayom. Good luck na lang sa Team Pilipinas. Welcome din kay Jordan Clarkson.