Abante Tonite Interactive

Kahit sablay kay Davis: Boston may alas pa rin

By
150

Winner pa rin ang Boston Celtics kahit hindi nakuha si Anthony Davis pagkatapos ng trade deadline.

Bakit?

Dahil hindi umalis ng New Orleans si Davis, January pa lang ay ha­yagan nang humingi ng trade sa Pelicans. Pinagmulta pa nga siya ng NBA dahil sa pahayag na ‘yun.

Hindi rin siya napunta sa Los Angeles Lakers.

Sinubukan ng La­kers na mabingwit si Davis, pero dumating at dumaan ang trade deadline at walang nangyari.

Hindi makapasok sa negosasyon ang Celtics para makipag-trade sa Pelicans dahil sa isang rule sa CBA na nagsa­sabing hindi puwedeng kunin ng isang team via trade ang players na sakop ng Rose Rule (as in, Derrick Rose).

Nasa Boston si Kyrie Irving, nakuha sa trade dalawang taon na ang nakakaraan.

Parehong pumirma sina Irving at Davis ng contract extensions sa ilalim ng 5th year 30% Max Criteria o ang Rose Rule na tinatawag ding Designated Rookie Extension.

Base rito, pinapayagan ang player na galing ng kanyang rookie scale contract para pumirma ng extension nang hindi na dadaan sa 1-6 years of service 25% max salary. Diretso na agad sila sa 7-9 years of service 30% max salary tier.

Nang pirmahan nina Davis at Irving ang extensions, nakabatay pa ito sa MVP awards, All-NBA selection at naboto bilang All-Star starters. Binago na ito, ngayon ay naka-base na sa winning MVP, Defensive Player of the Year o All-NBA selections.

Pagdating ng July, puwede nang hainan ng Celtics si Davis dahil posibleng maging free agent si Irving. Ibig sabihin, tapos na ang dati niyang kontrata sa Rose Rule, kaya hindi na sila sakop ni Davis.

Nitong All-Star weekend sa Charlotte, kinumpirma ni Davis na may listahan siya ng teams na gusto niyang lipatan – Lakers ni LeBron James, New York Knicks, Los Angeles Clippers at Milwaukee Bucks.

Walang Celtics?

“They are on my list,” aniya.

Good news sa Boston, pero hindi good sa iba pang Eastern Confe­rence teams.