Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kahit si Santa Claus apektado ngayong Pasko

0 224

SA napakaraming Paskong nagdaan ay sobrang kakaiba ang darating na Pasko dahil sa napakarami ang nawala sa mga bagay at tradisyon nating nakasanayan dahil sa pandemyang ating kinakaharap.

Unang-unang nawala ay ang kalayaan nating mamili ng ating mga kailangan ngayong kapaskuhan sa Divisoria, Baclaran at mga shopping mall na walang sumisita at walang sinusunod na health protocol.

Hindi katulad noong mga nagdaang kapaskuhan ay naisasagawa natin ang nais nating gawin ng walang pangamba na mahawa sa COVID-19 hindi tulad ngayon na sa isang kibot ay maaari tayong mawala sa mundong ito.

Wala na ring Christmas party, isang malungkot na pangyayari ito sa mga nag-aaral na sa tuwing sasapit ang ganitong panahon ay labis itong pinananabikan at pinaghahandaan maging ng mga empleyado sa iba’t-ibang kumpanya.

Siyempre kaakibat ng mga party tuwing Pasko ay ang raffle, kantahan, sayawan at inuman na mahigpit namang tinututulan ng pamahalaan upang maiwasan ang mabilis na pagkakahawa-hawa sa isa’t-isa ng hindi mapigilang virus.

Bawal na rin ang caroling na labis namang nagpalungkot sa mga bata na sabik na sabik pa namang gawin ang pag-iikot sa mga bahay-bahay upang maghandog ng awitin kapalit ng kaunting barya na kainilang iniipon upang may pambili ng regalo sa darating na Pasko.

Mas mabilis umano kasi ang pagkalat ng virus mula sa isang tao patungo sa isang tao kapag sumisigaw dahil kasabay na lumalabas ang droplets’ at naiiwan sa ere.

Maging ang pagpapaputok ay mariin na ring ipinagbabawal dahil sa bukod sa delikado ay nagdudulot pa ng masamang epekto sa kalusugan ng mga maysakit tulad ng mga may hika at sa mga alaga nating aso.

Hindi pa kabilang ang mga nasasabugan sa marami nating kababayan na karaniwan ay mga bata na nakaapak o nakapulot lang ng paputok ay nawala na ng kamay o paa.

Idinagdag pa ang pagbabawal sa mga hinihipang torotot na bukod sa delikado baka malulon ng mga bata ang mismong dila o manipis na yero sa loob ng torotot ay nagbubuga rin ito ng hangin kasama ang droplets.

Kung susundin natin lahat ng ipinagbabawal ng Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong kapaskuhan upang hindi tayo mapahamak ay talagang wala na tayong magagawa kung hindi ang manatili sa bahay at umiwas makihalubilo sa marami.

Alam kong marami ang nagdadamdam sa ating mga kababayan dahil sa pangyayaring ito ngunit hindi ito ginagawa ng pamahalaan para maghigpit lamang kung hindi para iligtas tayo sa tiyak na kapahamakan.

Sa panig ng mga kabataan na umaasahang darating si Santa Claus ay alam din nating marami ama ang nawalan ng hanapbuhay na posibleng isa sa dahilan ng ikaantala nang pagdating ni Santa Claus sa ilang mga bata.

Sa puntong malaking papel ang gagampanan ng ating mga magulang kung paano ipaliliwanag sa mga bata ang lahat ng mga pagbabago sa panahon ng kapaskuhang ito.

Malaking tulong din kung tutulong ang mga guro na silang tumatayong pangalawang magulang sa mga mag-aaral na ipaliwanag ang lahat ng mga bagay at tradisyong nakasanayan tuwing Pasko kung bakit hindi na ito mararanasan ngayong pandemya.

Kahit limitado na rin ang bilang ng mga dumadalo sa simbang gabi dahil sa limitadong kapasidad ng mga simbahan ay makikita pa rin natin ang diwa ng Pasko dahil sa nagagawa pa rin natin ito kasama ang ating pamilya.

Ang mahalaga ay may bakuna na at kahit wala pa sa ating bansa ay nakatitiyak naman tayong paparating na ito sa mga susunod na buwan at isa ito sa pinakamagandang regalo na matatanggap nating lahat.

Kaya kaunting tiis pa at tiyak na magiging masaya na ang ating Pasko sa susunod na taon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.