Abante Tonite Interactive

Kahit talo ang piso sa dolyar, relax lang — Roque

By
807

Kinalma ng Malacañang ang publiko sa patuloy na paghina ng piso kontra dolyar kung saan halos umabot na ito sa P54 kada dolyar.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bunsod ito ng mga programa ng gobyerno partikular ang Build, Build, Build pero mababalanse ito sa pamamagitan ng mga remittances ng mga overseas Filipino worker lalo na sa pagpasok ng holiday season.

Kaya lamang aniya natatalo ang piso sa ngayon ay dahil sa importasyon ng mga construction material subalit huhupa din ito kapag natapos na ang importasyon.

“Well, iyan po ay dahil nga po doon sa ating mga programa lalo na iyong ‘Build, build, build’ na marami po talaga tayong dapat i-import para sa mga mega construction projects natin. That’s a natural consequence po dahil we are allotting for the first time the biggest bulk of the budget towards public infrastructure,” ani Roque.

“Pero that’s not a reason to worry po. Ultimately in the long run, ang tingin namin iyong trabaho at saka iyong mga negosyo na madede-generate ng ‘Build, build, build’ will make up for the weaker peso,” saad pa nito.

Pero sinabi ni Roque na bentahe sa pamilya ng mga ofw ang mataas na halaga ng dolyar dahil mataas ang matatanggap ng mga ito na padala.

Tiwala si Roque na tataas muli ang halaga ng piso bago sumapit ang Disyembre at ito ay napatunayan na aniya sa mga nakalipas na panahon.

Hindi aniya dapat isipin na ang paghina ng piso ay dahil sa mahinang ekonomiya ng bansa.