Abante Tonite Interactive

Kahon ng bala, granada inabandona sa Zambales

By
1,154

Posibleng dahil sa pinaigting na checkpoint ng Castillejos, Zambales Police dahil sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election ang nakikitang dahilan kaya inabandona ng ilang kalalakihan ang isang kahon ng mga bala at granada sa may gilid ng kalsada sa Purok 5, Barangay San Jose ng nabanggit na lugar.

Ipinrisinta ni Castillejos Police Chief Inspector Rolando Calamba Dellezo sa mga mamamahayag ang naturang mga bala at granada na kinabibilangan ng 5 bala ng rifle grenade, 6 bala ng M-203, 2 hand grenade, 3 bala ng M-16 rifle, 2 cylinder tank, 1 plastic case ng Magnum 357 ammo at 1 plastic empty case ng caliber 45/40.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Lemuel Miranda, may hawak ng kaso, bandang alas-siyete ng umaga kamakalawa nang itawag sa kanilang himpilan ng isang residente ang pagkakatagpo sa naturang mga bala at granada.

Isang kulay puting kotse na hindi umano naplakahan ang huminto sa lugar kung saan ibinaba ang nasabing kahon at dali-daling umalis.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.