Abante Tonite Interactive

Kahulugan ng panaginip

676

Hinahabol ako!

May humahabol sa akin at halos naririnig ko ang aking paghingal habang tumatakbo ako.
Isa sa mga pangkaraniwang panaginip iyong may humahabol sa atin.

Ito’y maaaring ipaka­hulugan na nakakaramdam ka ng pagkabalisa sa tunay na buhay at ang pagtakbo o pagtakas sa isang sitwasyon ang una mong instinct.

Dito makikita na mas natural para sa iyo ang pag-iwas sa posibleng pressure o anumang tensyon sa iyong buhay. Sa halip na harapin ang isyu, mas pinipili mong umiwas sa komprontasyon.

Sino o ano ba ang tinatakasan mo sa iyong pa­naginip? Isang halimaw ba o isang masamang tao kaya? Dito mo naman mas maiintindihan kung ano ang ipinahihiwatig ng iyong napanaginip.

Kung isang masamang tao o isang hayop na maaaring manakit sa iyo ang tinatakasan mo sa iyong panaginip, puwede itong simbolo ng nararamdaman mong pagseselos o lihim na galit. May pilit kang iniiwasang emosyon at iyon ang nagiging ‘halimaw’ sa iyong panaginip.

Sa panaginip mo ba ay malapit ka nang maabutan ng humahabol sa iyo? Ito naman ang magiging batayan mo kung gaano ka kalayo o kalapit sa tunay na isyung iniiwasan mo.

Related Posts

Kung masyado nang malapit ang humahabol sa iyo, patuloy kang mababagabag kung hindi haharapin ang anumang isyung ito. At kung nakakalayo ka naman nang husto sa humahabol sa iyo, ipinapakita lamang itong naididistansya mo na ang sarili mo sa anumang problemang pinagdaanan.

May pagkakataon ding sa panaginip natin ay tumatakbo tayo pero wala tayong nararating at nagpapaulit-ulit lamang ang eksena habang patuloy tayong napapagod at lalong natatakot. Kung ganito ang napanaginip mo, isa itong malinaw na pahiwatig na may kailangan­ kang hara­ping responsibilidad. Isang obligasyon na alam ng isip mo na hindi mo puwedeng takasan.

Dapat mong pag-isipan at tukuyin kung ano itong isyu na pilit tinatakasan ng isip mo. Isa ba itong responsibilidad sa pamilya o sa karelasyon? Puwede rin itong isang hindi pagkakaunawaan na pilit mong binabalewala.

Anuman ang problemang ito, alalahaning magpapaulit-ulit lamang ito kung hindi mo haharapin at tuluyang tatapusin.

 ***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng ge­neral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip.

Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, sumulat sa dreamcat­cher@abante-tonite.com.