Abante Tonite Interactive

Kai Sotto pasado ba sa FIBA?

623

Charlie Favis

Sa mga usap-usapan sa komunidad ng basketball, marami nag-expect na dodominahin ni 7-foot-2 Kai Zachary Sotto ang 14th International Basketball Fede­ration (FIBA) Under-19 World Cup 2019 sa Heraklion, Greece nitong Hunyo 29-Hulyo 7.

Ito‘y dahil sa magandang mga nilaro niya sa nakaraang FIBA U18 at FIBA U17, bukod pa sa nag-training siya ng 2 buwan sa Estados Unidos (Atlanta), at isa siya o siya siguro ang pinakamatangkad na manlalaro sa katatapos na kompetisyon sa FIBA U19.

So lahat ng mga Pilipino, nakaabang sa mga laro ng ating Gilas Pilipinas Youth Team, maraming mga nagpuyat para abangan o mapanood ang laban kahit ala-una ng mada­ling-araw sa ating bansa.

Pero marami ang nabigo o nadismaya sa sunod-sunod na talo ng ating koponan sa Greece.

Una sa Greece, Argentina, Russia, Serbia Australia, at New Zealand kahit tinalo rin ang ating Asian rival China. Sa mga laro sa Greece, ang mga average ni Sotto ay 11.7 points, 7.9 rebounds, 3.1 rebounds, at 2 assists. Medyo malayo sa mga big men na sumabak sa torneo, tulad ni Mythical 5 team member 6’-10 Oumar Ballo ng Mali, na may 17.6 pts., 11.8 rebs., at 3.8 blocks. Si Ballo ay 16-anyos lang.

Tinapos ng Gilas Youth ang may 16 na koponang torneo na 14th place.

Ano nga ba ang nakita nating kulang kay Sotto?

Ang aking palagay unang-una ay kulang siguro si Kai na sumabak sa tough competitions sa Europa at sa America. Tignan niyo si 6’-11 Rui Hachimura ng Japan. Na-draft si Hachimura sa National Basketball Association first round. Nag-training at naglaro sa Gonzaga University, isang sikat na basketball school sa USA. Ang laki ng improvement ni Hachimura, at siya ngayon ang tinaguriang star ng Japanese national team.

Nag-training nga si Sotto sa Amerika, kaya lang puro skills training na one on one sa mga trainer doon. Ok lang naman ito, kaya lang walang masyadong mga laro. Ito ang kailangan ni Sotto. Tough competition para magkaroon ng gulang at tapang. Kailangan makaranas siya ng maraming bugbugan para hindi siya tinutulak-tulak lang.

Pangalawa, kulang sa resistensiya. La­ging nakapamaywang si Sotto, indikasyon ng kulang ito sa conditioning. Suggestion ko ay tumakbo siya araw-araw, ‘di lang puro skills training.

Pangatlo, manipis pa rin ang katawan ni Sotto kaya nahirapan pumoste sa mga kalaban niya na malalaki ang katawan. Kailangan kumonsulta siya sa die­tician para mabigyan ng tamang pagkain. Kasama na rin dito ang epektibong weights program para lumaki ang katawan.

Sana marami siyang natutunan sa paglahok sa FIBA U19. Tama ang sinabi ni Kai. Magandang learning experience.­