Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kaibigan o kaaway?

0 501

Garapal na ginamit ni Pangulong Duterte ang kanyang lingguhang “Talk to the People” nitong Lunes ng gabi upang bastusin at lapastanganin ang isang Mayor sa Metro Manila . Hindi ito pinangalanan ni Duterte pero malinaw sa mga paglalarawan nito sa opisyal ay si Manila Mayor Isko Moreno ito.

Kinalkal niya ang mga larawan ni Moreno sa panahong aktibo pa siya bilang artista at nagdeklara: “‘Yan ang gusto ninyo? Ang training parang, para lang call boy, naghuhubad… ‘Yan ang training ng presidente?”

Una, katawa-tawa na kay Duterte magmula ang paghusga sa nakaraan ni Yorme, yamang humaharap siya sa imbestigasyon ng pandaigdigang hukuman bilang isang mass murderer. Pangalawa, mula sa sariling bibig naggaling ang motibo ng pag-atake niya kay Moreno: may kinalaman ito sa kanyang posibleng pagtakbo bilang Presidente sa 2022. Batid niya na, ayon sa mga survey, si Moreno ang magiging pinakamalakas na karibal ni Sara Duterte.

Kaya lantad ang pag-abuso sa kapangyarihan na ipinamalas ni Duterte sa kanyang utos na tanggalan ang isang lungsod sa NCR ng kapangyarihang mamahagi ng ayuda mula sa pondo ng pambansang gubyerno sa kalagitnaan ng kasalukuyang Enhanced Community Quarantine. Sa halip na paabutin sa pinakamabilis na paraan ang ayudang kailangang kailangan ng mga naghihirap na Pilipino sa lungsod ng Maynila, pinairal ni Duterte ang makasariling pamumulitika sa kagustuhang masira ang reputasyon ng kanyang kalaban.

Isa nang tatak ng pagkapangulo ni Duterte ang pagsamantala niya sa poder ng kanyang puwesto upang siraan, patahimikin, o supilin ang mga indibidwal na itinuturing niyang banta sa kanyang paghahari. Sa kanyang pag-upo, kagyat niyang minaniobra ang pagpapakulong kay Sen. Leila De Lima batay sa walang katuturang kaso ng drug trafficking dahil tinulak ng senador ang imbestigasyon sa Davao Death Squad ni Duterte. Maaga pa lamang, pinatalsik sa kanyang Gabinete si Vice-President Leni Robredo at walang-humpay na sinisiraan ang kakayahan niyang mamuno. Tinangkang ipakulong si Sen. Sonny Trillanes nang kalkalin nito ang mga lihim na bank account ng mga Duterte. Kamakailan, pinuntirya si Sen. Manny Pacquiao at binasbasan ang pagpapatalsik sa kanya bilang pangulo ng PDP-Laban. Batid ng lahat na itinuturing din na karibal siya ni Sara Duterte sa pagtakbo bilang Pangulo sa halalang 2022. Sa ganitong konteksto, maihahanay si Mayor Isko Moreno bilang pinakahuling target ng sistematikong kampanya ng demolisyon na pinatutupad ni Duterte laban sa lahat ng mga itinuturing niyang sagabal sa layuning makapanatili sa puwesto ang mga Duterte nang lagpas sa 2022.

Kaugnay nito, may isang palaisipan na dapat pagmuni-munihan. Sa lahat ng mga tinuturing na “presidentiable,” si Sen. Ping Lacson pa lamang ang kategorikal na nagdeklara ng kanyang intensyong tumakbo bilang Pangulo. Pinagdiriinan niya (at ng kanyang running mate bilang bise-presidente na si Sen. Tito Sotto) na hindi siya maka-administrasyon gayong hindi rin siya maka-oposisyon. Maraming nagtataas ng kilay, laluna ang mga nagsasaalang-alang sa track record ng pagsuporta ni Lacson sa mga susing inisyatibo ng administrasyon, partikular ang Anti-Terror Law.

Sa ngayon, isang bagay ang katangi-tangi. Kung gaano kaagresibo ang galaw ni Duterte laban sa mga potensyal na karibal ni Sara para sa pagkapangulo sa 2022, dumadagundong naman ang pananahimik niya pagdating sa deklaradong kandidatura ni Sen. Ping Lacson. Bakit? Good question.

Leave A Reply

Your email address will not be published.