Abante Tonite Interactive

Kailan matatapos ang utang?

By
505

Inanunsiyo ng gobyerno na nakatakda muli tayong mangu­tang sa susunod na taon ng P1.2 trilyon.

Katumbas ito ng mahigit 30% ng kabuuang P3.7 tril­yon na hinihinging national budget para sa 2019.

Katuwiran ng gobyerno, gagamitin ang uutanging pondo para sa ‘Build, Build, Build’ program o mga impraestrukturang nais itayo para na rin daw sa ikauunlad ng bansa.

Samu’t saring reaksiyon ang narinig natin hinggil dito pero isa sa mga reaksiyon na tumatak sa atin ay ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson.

Ang tanong ng senador, kailan pa ma­tututo ang gobyerno na mabuhay sa kung ano lamang ang na­handang pondo o kailan magkakaroon ng balanced budget ng bansa.

Mabuti raw sana kung gugugulin ang uutanging pondo sa mga investment na kinalaunan ay magbibigay din ng kita sa atin.

Ang masakit pa anya rito, malaki rin ang unused appropria­tions o hindi nagagamit na pondo ng ilang ahensiya ng gobyerno kada taon.

Nakakatakot at nakakabahala dahil lu­malabas na tulad din ng ilang pamilyang Fi­lipino, hindi na nakakaahon sa utang ang ating bansa.

Sinubukan kong tanungin ang Grade 9 kong anak kung ano ang masasabi niya sa pag-utang ng ating gobyerno lalo pa’t hanggang sa apo siguro nito ay magbabayad ng utang ng gobyerno.

“Simple lang po ‘yan, ibig pong sabihin hindi marunong mag-manage ng pera ang ating gobyerno,” sagot ng 14-anyos na bata.

Sa puntong iyon, naisip kong malaki ang puntos nito na dapat isama rin sa pahayag ni Lacson na mabuhay muna tayo sa kung ano ang meron ay huwag munang maghanap ng ibang bagay kung hindi naman kakayanin.

Hindi ba’t isa rin sa palasak na kasabihan sa ating mga Pinoy ang matuto muna tayong mamaluktot habang maikli ang kumot o maghigpit muna ng sinturon kung kinakailangan.

Sana lang mari­nig tayo ng ating mga economic manager at pag-isipang maigi ang napakalaking uuta­ngin!