Abante Tonite Interactive

Kailan pa kikilos?

131

Kung ang opisina mismo ni Presidente Digong ay hindi pinapakinggan ang hinaing ng halos buong sektor ng industriya ng karera sa bansa para sa matagal nang inaasam na PAGBABAGO, paano mag-aasam ang mga naaapektuhan ng masamang sistema nga­yon na may darating na PAGBABAGO?

Ito ang opinyon ng dalawang beterano at iginagalang na personalidad sa karera na nakausap kamakailan ng Abante Tonite tungkol sa mainit na isyu.

Parehong ayaw pabanggit ng pangalan ang dalawa dahil ayaw nilang pumasok sa anumang ‘gulo’.

“Ang balita ay nag-submit na ng courtesy resignation ang mga namumuno sa Philracom, pero bakit hanggang ngayon ay nandiyan pa rin sila at patuloy pa rin sa pagpapatakbo ng industriya ng karera sa ­bansa?” ang sabi ni Personality A.

Idinagdag niyang matagal nang ipinag-utos ni Pangulong Digong na bakantehin ng lahat ng ­dating opisyales ni PNoy ang kanilang puwesto at ilagay sa pangangalaga ng kanilang executive directors ang opisinang kanilang iiwanan. Pero hanggang ngayon ay nasa Philracom pa ang matagal nang hinihinging paalisin.

Si Personality B ay nababahala dahil hindi pa rin nababago ang lumang sistema, nandiyan pa ang mga ‘taong lubhang nakaapekto sa pag-unlad ng horseracing industry.’

“Kahit na sabihin mong nagbigay na sila ng ­courtesy resignation ay sila pa rin ang patuloy na nakaupo at nagpapaandar ng opisinang dapat sana ay naging instrumental para maiahon sa pagkalugmok ng ­industriya ng karera sa bansa!

Kung ang Malacañang mismo eh hindi man lang gumagalaw para ­palitan ang mga nariyan sa Philracom, huwag na muna kayong umasa na magkakaroon ng kasagutan ang mga grabeng problema sa karera ngayon!” diin ni Personality B.