Abante Tonite Interactive

Kailangan bang gamitin ang apelyido ni mister?

By
364

Nakaugalian na sa atin na gamitin ang apelyido ng magiging asawa kapag nakasal na sila sa simbahan o sa huwes man. Pero, nararapat bang gamitin ito o batayan lamang para malaman na may asawa ka na?

Marami kasing mga babae, partikular na ang ilang mga kilalang personalidad na halimbawa ay artista, socialite woman at iba pa ay nakilala na sa kanilang pangalan bilang sila, na walang asawa at nahihirapan silang gamitin ang panibagong apelyido dahil malamang hindi kilala o mas nais nilang mas makilala sila sa kanilang kinasikatang pangalan.

Mayroon din namang babae na nais na gamitin ang naaayon sa batas, na gamitin ang apelyido ng kanilang magiging asawa.

Pero hindi rin tayo nakatitiyak kung hanggang kailan natin maaaring gamitin ang apelyido ng asawa, lalo na kung nagkakalabuan na.

Sa paggamit ng apelyido, may mapapala ba? Paano na ang mga nag-ibang landas ng pamilya? Tiyak ‘yan, nais mong isumpa ang apelyido ng asawa mo pero wala kang makuhang paraan para mawala ito at magamit muli ang apelyido ng pagkadalaga.

Base sa House Bill No. 6028 na ini­hain ni Representative Gloria Macapagal Arroyo, maaari nang gamitin ng isang babae ang kanyang apelyido ng pagka­dalaga kapag nakakuha na ng judicial ­order for annulment o ang pagpapawalang bisa ng kasal.

Base sa panukala nito, mapahihintulutan ang isang babae na ibalik ang kanyang apelyido kapag nakapag-file ng kaso ng ligal na paghihiwalay, death, ­pag-abandona at ang paghihiwalay ng ari-arian o pagpapawalang-bisa ng kasal.

Narito ang ilan sa mga kababaihan na na-interview natin at tinanong kung nais nilang gamitin ang kanilang apelyido ng pagkadalaga kahit na may asawa na sila.

Ayon kay Ces Matic, 44-anyos, call center agent, “Bakit kailangang gamitin ang apelyido ng lalaki kapag nag-asawa na? Hindi naman siguro basehan na may asawa ka na dahil ginagamit mo ang ­apelyido ng asawa mo. Paano kung nakaka­hiya ang ­apelyido niya at maganda ang apelyido mo? Unfair ­naman ‘yun?”

Agad namang nagpabago ng kanyang apelyido si Rose Que, 45-anyos, sales insurance agent, matapos silang maghiwalay ng kanyang asawa.

“Nagamit ko ang apelyido niya noong mag-asawa pa kami pero lumipas ang ilang taon na nagkakalabuan na kami at wala pa ring anak kaya nagdesisyon na kaming maghiwalay na lang.”

Iba naman ang pana­naw ni Mrs. Rita Ramos, 59-anyos, retired teacher. Sinabi nito na, “Maganda ang panukala ni GMA na ibalik ang apelyido ng isang babae na hiwalay na pero paano kung hindi pa hiwalay dahil walang pampahiwalay? Napakalaki ng gastos sa paghihiwalay.

“Mahal po at walang divorce sa Pilipinas at alam ko malaki ang gagas­tusin sa ganyan kaya tiis na lang para sa maayos na pamilya,” ayon kay Aling Teresa, 46-anyos, tindera sa Sangandaan Market.

Sang-ayon naman si Mrs. Des Tan, 46-anyos, sales associate, “Mukhang matatagalan bago ito magamit dahil malaki ang gagastusin sa legal separation.”