Abante Tonite Interactive

Kailangan nang magpakonsulta

0 327

Noong ika-16 ng Mayo, idineklara na ng ating gobyerno ang estadong Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ para sa National Capital Region (NCR). Ito ang nagbigay daan upang magbukas na ang ilang establisimiento na naisara ng halos dalawang buwan dahil sa ECQ at upang makatulong sa pagpigil sa paglaganap ng virus na Covid-19. Kasama na dito ang mga medical clinics, na bagama’t hindi naman ipinagbawal magbukas, minabuti na din ng maraming doktor na limitahan muna ang tinitingnan sa klinika upang mabigyan ng prayoridad ang pag-aasikaso sa mga emergency cases at pati na din sa dumadaming Covid-19 patients. Ang tanong ngayon ng karamihan, pati na ang isa sa ating tagasubaybay, kailan kaya siya maaring bumisita sa clinic, na noon pang magumpisa ang lockdown ay naudlot na. Natatawagan naman daw niya ang doktor niya, ngunit kinakailangan na ding makita dahil nagkakaroon na ng pagkabalisa o anxiety.

Totoo namang may mga pasyente na gumagaan ang pakiramdam o gumaganda ang kondisyon kapag nakakausap, lalo na kung makita nila ang kanilang doktor. Ito ay may kinalaman sa katiyakan o reassurance sa kani-kanilang mga kundisyon. Napatunayan ito ng isang pagsusuri ni Alia Crum, Phd, isang researcher ng Stanford na inilabas sa Journal of General Internal Medicine. Sinuri ang epekto ng ilang mga pasyente na may mga pangangati sa katawan at binigyan ng ineksyon ng gamot. Nakitang mas mabilis ang paggaling at pagtanggal ng sintomas sa mga pasyenteng nasabihan ng kanilang mga doktor na huwag magalala at mawawala na ang pangangati kaysa doon sa hindi nakausap. Kaya’t naintindihan natin ang pangangailangan ng nagtanong sa atin.

Mainam na nakakausap niya sa telepono ang kaniyang doktor dahil ito na ngayon ang bagong normal. Malalaman agad kung kinakalilangan bang pumunta ng ospital o pwedeng hindi naman. Ito ang tinatawag na telemedicine na isinusulong ng Department of Health at ginagawa na ng madaming ospital, clinic, at mga doktor para limitado ang punta sa ospital.

Kung kailangan talagang magpunta dahil may kailangang gawin o may procedure na di magagawa sa bahay, ito ang mga steps na pwedeng sundin:

1. Tumawag muna sa ospital, clinic, o doktor para makapagskedyul ng dalaw.

2. Pumunta lamang sa nakatakdang araw at oras ayon sa skedyul na binigay ng doktor.

3. Pagdating sa ospital or klinika, ipaalam na nandoon na, at manatili muna sa sasakyan hanggang tawagin.

4. Limitahan sa isang tao lamang ang kasama ng pasyente.

5. Bago pumasok ng gusali, kukunan ng temperature at tatanungin ng pakay at travel/contact history, (kung nilalagnat o may history, maaaring hindi papasukin at ipatuloy sa emergency room o triage area).

6. Pagdating sa clinic, sundin ang mga disinfecting procedure ng doktor, panatiliin ang social distancing, at higit sa lahat, huwag kalimutan ang MASK!

Sa pagbubukas ng ating klinika, ito rin ang susundin ng inyong lingkod kaya’t maglaan ng dagdag na panahon para sa mga bagong protocol. Ang pinakamagandang balita, makikita na nating muli ang mga namiss nating pasyente.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Tonite – Wendys Inhouse Ad