Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kailangan natin ng maaasahang lider

0 87

Ilang buwan na lamang at halalan na kaya dapat ay sineseryoso na natin ang pagpili sa ating mga iboboto. Kailangan natin ang mga totoo at maaasahang lider hindi lamang sa salita kundi mas higit sa gawa. At kailangang may napatunayan na sa atin ang mga taong iboboto natin.

Kung kami ang tatanungin, ang taong karapat-dapat iboto ay may integridad, mission driven, creative problem solver, may isang salita, hindi pabago-bago, parehas at naniniwala sa proseso ng hustisya.

Sa mga kumakandidato ngayon, may isang namumukod-tanging swak sa mga kuwalipikasyong ito – si retired Gen. Guillermo Eleazar, ang ating dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na ngayon ay tumatakbong senador sa ilalim ng Partido Reporma ng tandem nina presidential candidate Sen. Panfilo Lacson at vice presidential candidate Tito Sotto.

Sa panahon ng kanyang pagiging pulis, lumutang ang mga katangiang ito ni Eleazar. Noong 2016, napansin ng nakararami ang pagiging lider ni Eleazar nang pangunahan niya ang bagong tatag na PNP Anti-Cyber Crime Group (ACG) at naging masigasig sa kampanya para protektahan ang mga batang nagiging biktima ng online sexual exploitation. Makaraan lamang ang ilang buwan, hinirang si Eleazar na maging District Director ng Quezon City Police District (QCPD) at ipinakita niya na siya ay mission driven. Tinutukan niya ang kampanya laban sa illegal drugs at iba pang kriminalidad sa lungsod kaya naman limang buwan lamang pagkaupo niya ay napili ang QCPD bilang Most Trusted Police District.

Noong 2018, naging Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Eleazar at muli ay nabigyan ng mga prominenteng award ang NCRPO bilang best region sa kampanya laban sa ilegal na droga at best region din sa internal cleansing.

Pagkaupo pa lamang bilang PNP chief, inilapit ni Eleazar ang taumbayan sa kapulisan. Inilunsad ang E-Sumbong kung saan kahit na sinong mamamayan ay puwedeng magreport sa pulis. Sa pamamagitan nito, hinikayat ang publiko na magbantay at isumbong ang mga kahina-hinalang aktibidad sa komunidad. Kasama sa mga puwedeng isumbong ang mga korap na pulis.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Naging magandang halimbawa si Eleazar sa kanyang nasasakupan. Mabilis niyang pinaparusahan ang mga pulis na gumagawa ng kamalasaduhan at kasing bilis din ang kanyang pagkilala at pagpuri sa mga pulis na nakakagawa naman ng kabutihan. Kaya nakuha niya ang respeto at naakay niya ang mayorya sa mga pulis para magpakatino. At dahil sa magandang liderato, nagawa niyang ibalik ang nawalang tiwala ng taumbayan sa kapulisan. Umakyat ang dating bagsak na trust rating ng PNP at nae-enjoy ngayon ng bagong liderato ang positibong pagtingin ng taumbayan.

Ipinakita ni Eleazar na kahit saan siya ipuwesto ay hindi nababago ang taglay niyang kahusayan. Isa siyang lider na may pokus at maaasahan sa lahat ng pagkakataon.

Maaaring hindi pa alam ng lahat pero si Eleazar ay galing sa isang simpleng pamilya. Bilang anak ng isang World War II veteran, nagsikap si Eleazar na makapasok sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan nagtapos siya bilang Top 4 at “Cum Laude” ng Hinirang Class of 1987. Dahil sa integridad at pagiging mission driven, narating ni Eleazar ang kanyang kinalalagyan.

Ngayon ay nahaharap na naman sa isang bagong yugto si Eleazar. Kung magiging matalino ang mga botante, mauupo siya bilang senador. Ano ba ang mga maiaambag ni Eleazar bilang senador? Maraming nang nahalal na senador na walang alam sa paggawa ng batas at nahalal lamang sa popularidad. Naniniwala kaming bilang dating punong hepe ng kapulisan at naging tagapagpatupad ng batas ay malawak ang kaalaman ni Eleazar sa mga batas na kakailanganing amiyendahan at mga bagong batas na kailangan pang balangkasin at isulong.

Alam namin na kilala na ng taumbayan ang integridad ng dating PNP chief. Alam namin na hindi mahirap iboto ang isang lider na tulad niya. Ngayon pa lamang kumbinsido kami na si retired Gen. Eleazar ay isa sa mga maaasahan natin sa Senado.

Leave A Reply

Your email address will not be published.