Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kailangan nga ba?

0 705

Sa gitna ng pangangalampag ng publiko laban sa bagong Anti-Terror Bill na pinasa ng Kongreso at kasalukuyang naghihintay na lamang ng pirma ni Pang. Duterte upang maging ganap na batas, naganap noong nakaraang Biyernes ang isang pinagsanib na operasyon ng pulis at militar na nagresulta sa pagpatay ng apat na pinaghihinalaang terorista.

Ayon sa mga ulat, ipinatutupad ng mga pulis at sundalo ang isang search warrant para sa ilegal na armas sa isang subdivision sa Paranaque paglampas ng hatinggabi nang paputukan sila ng mga suspect. Apat na katao, isang babae at tatlong lalaki, ang napatay matapos makipagbarilan umano sa mga awtoridad. Pinaghihinalaan silang mga kasapi ng Daulah Islamiyah, ang paksyon ng Abu Sayyaf Group na nakaugnay sa ISIS.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Lumalaki at lumalawak ang panawagan ng mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan para sa pagbasura sa Anti-Terror Bill bilang banta sa mga karapatang ginagarantiya ng Konstitusyon. Si retiradong Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio mismo ang nagsabi na kung maisabatas ito, “waring nasa permanenteng sitwasyon na mas masahol pa sa Martial Law ang Pilipinas.”

Napakahusay ng tiyempo ng operasyon, akala mo tuloy sinadya. Hindi pinalampas ng Armed Forces of the Philippines ang pagkakataon upang gamitin ang pagpaslang sa mga pinaghihinalaang ISIS na umano’y nanlaban bilang patunay na mahigpit na pangangailangan pagsasabatas ng bagong Anti-Terror Bill. Ipinanawagan ni AFP Chief of Staff Gen. Filemon Santos kay Pang. Duterte na kagyat na lagdaan at ipatupad ito upang maprotektahan ang publiko laban sa mga terorista, na hindi tumitigil nang pagkilos kahit sa panahon ng pandemya.

Gayunman, kung pansamantalang isasantabi ang anumang mga katanungan hinggil sa merito, ligalidad, at katarungan ng naturang operasyon at ituturing itong isang epektibo at matagumpay na aksyon laban sa terorismo, hindi ba’t pinatunayan mismo ng pulis at militar na kaya pala nilang sawatain ang banta ng teroristang pandarahas sa bisa ng umiiral na batas? Sa madaling sabi, hindi ba sila mismo ang nagpakita na hindi kailangan ang bagong Anti-Terror Bill?

Leave A Reply

Your email address will not be published.