Kailangan talaga ng mental break

206

Marami sa ating kasama sa opisina, kaklase o kasama sa kahit anong hanapbuhay ang bigla na lamang tayong ginugulat kapag sa gitna ng isang sitwasyon ay biglang titigil at sisigaw nang napakalakas.

Pero kapag tinanong kung bakit sila sumigaw, ang isasagot lamang ay wala, gusto lang daw sumigaw—hindi nila alam na umay na umay na sila sa pang-araw-araw nilang gawain ngunit wala silang magawa kung hindi ang gawin ang kanilang mga tungkulin.

Alam ba ninyo na lahat ng tao ay nanga­ngailangan ng bakasyon mula sa kanilang mentally challenging na trabaho o ginagawa ng regular upang makapagpahinga nang mahaba at makapag-recharge na hindi nagagawa ng lahat ng tao.

Meron kasi tayong mga kababayan na bukod sa pinagkaitan ng panahon ay wala pang sapat na pagkakataon para sa sarili dahil sa dami ng kanilang pa­sanin sa buhay lalo pa’t kung nakahanay sila sa hard labor.

‘Yung simpleng pagtungo sa spa para magrelaks ay napakalaking bagay na para sa isang ordinaryong empleyado para makahugot ng panibagong lakas na gagamitin niya sa darating na linggo.

Pero alam n’yo ba na higit na nagbibigay ng stress, pamimigat ng kaisipan, pagbagal ng katawan at pakiramdam na tila pagod na pagod ay ang walang humpay na paggamit ng cellular phone?

Ito ang lumabas sa ginawang pananaliksik ng Rutgers University sa layuning matukoy ang dahilan kung bakit ang isang indibidwal ay biglaang napupuno at sumasabog din na minsan ay hindi naiintindihan ng marami.

Ang ginawang pag-aaral ng Rutgers University ay nilahukan ng 414 katao na lahat ay binigyan ng world puzzles na kailangan nilang sagutin upang masukat ang kaniyang tiyaga at kaisipan.

Sa gitna ng kanilang pagsagot sa puzzle, marami sa mga kalahok ang binigyan ng pahinga sa pamamagitan ng bagong task kung saan pinamili sila ng tatlong item para sa gagawing shopping list.

Ang una ay cellphone, sumunod ay computer screen at ang ikatlo ay ay papel kung saan isusulat nila ang dahilan kung bakit nila napili ang mga ito at ang ibang kalahok ay hindi naman binigyan ng pahinga.

Ang naturang pag-aaral na inilathala sa Journal Behavior Addictions ay nagpakita na ang mga kalahok na hindi nagpahinga sa paggamit ng cellphone ay may mas mataas na lebel na pagbaba ng kaisipan at mas nahirapang sagutin ang puzzle.

Kaya iminungkahi ng pag-aaral na ang paggamit ng cellphone sa iyong pahinga ay hindi nakakatulong para sa iyong utak para makapag-recharge dahil nagreresulta ito ng mababang paggagawa.

Kapag ang isang indibidwal ay naagaw ang atensiyon dahil sa tunog ng cellphone ay mahirap na itong maibalik nang agaran sa kaniyang ginagawa depende pa sa kausap at kung anong problema pa ang dala nito na magpapabigat sa kaisipan ng isang gumamit ng cellphone.

Idagdag pa dito ang mga balitang labis na nakakaapekto sa ating kaisipan lalo pa at kulang ang pagkakataon para iberipika kung totoo o hindi ang nabasa nating balita sa ating mga cellphone.

Kaya kung nais natin ng isang kumpletong pahinga na makakapagpabalik ng ating pagkatao ay makakabuting patayin muna natin ang ating mga cellphone depende kung gaano kahabang pahinga ang gusto mo.

Epektibo ito!

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...