Abante Tonite Interactive

Kainuman pinatay sa isang suntok

By
2,058

Tinalo pa ang tinaguriang ‘Pambansang Kamao’ na si Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao ng isang construction worker makaraang mapatay niya sa isang suntok ang kanyang kainuman na naka-debate sa Quezon City.

Ayon kay P/Sr. Insp. Elmer S. Monsalve, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima ay nakilala lamang sa pangalang Cristobal Ladios, alyas ‘Tobal’, isang obrero at hindi pa mabatid ang tirahan.

Si Tobal ay namatay matapos tumanggap ng isang malakas na suntok sa mukha at bumagsak na una ang ulo sa semento ng naarestong suspek na si Mario Dacanay Villarante, 37-anyos, may asawa at residente ng No. 163 Interior St., Alvarez Compound, Brgy. Tandang Sora, ng nasabing lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Julius P. Raz, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-4:45 ng hapon nitong Lunes ­(Hunyo 4, 2018) sa mismong tahanan ng suspek na si Villarante.

Nauna rito ay masaya umanong nag-iinuman ang biktimang si ­Ladios, ang suspek na si ­Villarante, kasama ang iba pang kaibigan na nakilalang sina Jonnie Samson, ­Fernando Felipe at isang alyas RJ.

Agad namang isinugod sa Quezon City General Hospital ang biktima nang mapansin ng mga nakainuman nito na nahihirapan itong huminga, subalit binawian din ito ng buhay.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng QCPD Station 3 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa suspek.