Abante Tonite Interactive

Kakaibang peligro sa EDSA

378

Minsan pa, isa na namang video ang nag-viral sa social media tungkol sa isang kulokoy na pa­kalat-kalat sa EDSA na namemerwisyo ng mga motorista. At minsan pa, huli na naman sa eksena ang Metro Manila Deve­lopment Authority.

Pero bago natin pag-usapan ang eksena sa EDSA, humirit ang isa nating kurimaw na ilang araw nang ‘di nakakaligo dahil sa kawalan ng tubig sa kanilang lugar. Kung hindi pa raw umulan, baka raw magkaputok na siya kaya laking pasasalamat niya sa ulan na nagpapabaha naman sa ilang lugar.

Dahil sa naranasan na­ting matinding init nitong nakaraang mga buwan, bumagsak sa critical level ang tubig sa Angat dam kaya naapektuhan ang suplay ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Pero ngayon na ilang beses nang bumubuhos ang malakas na ulan, sana mapunta ang baha sa Angat dam nang bumalik na sa normal ang suplay ng tubig.

Bunga na rin kakula­ngan ng pagkukunan nga ng tubig, naapektuhan noong Abril ang ilang konsumer ng Manila Water kaya pinagmulta sila ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at inatasan na magbigay ng rebate sa mga naapektuhang kostumer.

Pagkatapos ng Manila Water, ngayon naman ang Maynilad ang ina­atasan ng MWSS na magbigay ng rebate sa kanilang mga kostumer na nawalan ng suplay ng tubig sa loob ng 15 araw noong Mayo sa Barangay CAA sa Las Piñas.

Tanong ng ating kurimaw, anong ahensiya raw naman kaya ang nagmo-monitor sa Prime Water na nakikipag-joint venture sa mga water district utilities?
Hirit niya kasi, napakarami na raw na reklamo tungkol sa serbisyo ng Prime Water pero tila hindi raw napapansin. Bakit nga ba?

Related Posts

Kamakailan nga lang eh naglabas ng ulat ang Commission on Audit at pinuna ang kasunduan ng PrimeWater at Marilao Water District sa Bulacan, dahil hindi raw natupad ang tungkol usapan na maibababa o mababawsan water losses sa kanilang nasasakupan. Tuloy, umabot daw sa P50.55 milyon ang nawalang kita sana dahil sa water losses.

May iba pang pinuna ang COA tungkol sa joint venture nito sa Marilao Water District, pero dapat din sigurong busisiin ng COA ang iba pang joint venture na pinasok ng Prime Water sa iba pang lugar sa bansa.

Balik na tayo mga tsong sa EDSA. Naging viral nga kamakailan at maraming motorista ang nabahala nang makita nila sa video ng dashcam ang isang lalaki na namamalimos sa EDSA sa bahagi ng Guadalupe. Ang matindi, humaharang pa talaga ang lalaki sa harap ng sasakyan kapag trapik kaya hindi ka makakausad kapag umarangkada na ang mga sasakyan.

Ang ginawa raw ng driver, nag-abot siya ng kaunting limos pero ang gusto pala ng kulokoy na lalaki eh P100. Nang hindi raw nagbigay ang driver, pinukpok ang kaniyang sasakyan at mayroon din daw na ibang sasakyan na ginasgasan. Ang tanong, nasaan ang MMDA? Hindi ba nakikita ng mga enforcer o nahahagip ng CCTV ang lalaki? Bakit kung kailan may magba-viral na video eh saka lang nila nalalaman na may ganitong peligro sa EDSA?

Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na may nag-viral na video na kinasasangkutan ng mga kulokoy sa EDSA. Hindi ba’t may nakunan na rin ng video ng lalaking sumasampa pa sa bubong ng mga sasakyan? May mga insidente na rin na kunwaring nababangga ang mga kolokoy para makahingi ng pera. At sa totoo lang, maraming mga batang kalye, batang hamog, batang rugby, at kung ano-ano pang mga kolokoy na umiistambay sa island o ilalim ng mga overpass na naghahanap ng pagkakataon na magnakaw, manraket o ma­merwisyo sa mga motorista, na hindi makakaiwas sa kanila kapag minalas sa trapik.

Sana, pro-active ang gawin ng MMDA sa mga pasaway sa EDSA at alisin na agad ang mga kolokoy na mahahagip sa CCTV, makikita ng mga enfor­cer, at irereport ng mga motorista, at huwag nang hintayin ang panibagong viral video.

Sa halip nga pala na komprontahin ng mga motorista ang mga kolokoy sa EDSA, ipinapayo na manatili na lang sasakyan at i-report ito sa MMDA via hotline 136, o kung may data naman ang cellphone, i-chat sa kanilang Facebook agad.Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”