Abante Tonite Interactive

Kakulangan sa pagtulog, nakakabaliw

By
368

Maraming benepisy­o ang nakukuha natin sa tamang oras ng pagtulog. Mahalaga ang papel nito sa ating buhay, unang-una na sa ating kalusugan. Kadalasan sinasabi natin kapag tulog nang tulog ang isang tao ay, “Kaya ka tumataba eh, tulog ka kasi nang tulog” pero mali ito. Ang maikling oras ng pagtulog ang siyang nakakapagpataba sa atin. Dahil ang pagtulog ay may malaking kinalaman sa paggamot at pagsasa­ayos ng ating puso at mga daluyan ng dugo.

Kaya kung maigsi ang oras ng ating pagtulog ay hindi natin ito nabibigyan ng sapat na oras para matulungan tayo sa pagsasaayos ng ating kalusugan. Ang mga kinain natin ay hindi nabibigyan ng sapat na panahon para matunaw kaya ito ay nagiging sanhi ng ating pagtaba. Ibig sabihin ay hindi nakakapag-function ng maayos ang ating immune system. Ang hindi natutulog sa tamang oras ang siyang mas maraming calories na naipapasok sa katawan mula sa mga pagkain kaysa sa mga kumukunsumo ng tamang oras sa pagtulog. Nakaamba rin ang panga­nib ng diabetes, heart disease at stroke sa mga taong kulang na kulang sa tulog.

Bukod sa epekto sa kalusugan ay nakakatakot na epekto rin ng kakulangan sa tulog ang pagkabaliw. Kapag ang isang tao ay laging mulat at hindi makakuha ng sapat na oras para makatulog, ito ay nagi­ging sanhi ng depression. 90% ng mga taong nakakaranas ng depression ay sina­sabing sila ay hindi nakakatulog. May kina­laman din dito ang sakit na i­nsomia, kung saan ay hindi talaga dinadapuan ng antok o matagal bago antukin ang isang tao. Nakakaapekto rin sa emosyon ng tao ang hindi tamang pagtulog. Dahil dito ay nalilito ang pasyente sa emosyon na dapat niyang maramdaman, kung dapat ba siyang maging masaya o malungkot. Hindi kasi gumagana nang tama ang ating utak. Hindi nagiging produktibo ang ating brain cells kaya nawawala tayo sa huwisyo na makapag-isip ng tama. Ang pinakamasamang epekto nito ay mauwi tayo sa p­agkabaliw.

Kung gano’n, ang tamang ehersisyo at tamang pagkain ay mawawalan ng halaga kung hindi rin naman sapat ang ating pagtulog. Ang mga bagay na ito ay magkakaugnay. Kaya hindi natin dapat ipagsawalang bahala. Ang walong oras na pagtulog ay sapat na upang maging aktibo ang ating utak at pangangatawan.