Abante Tonite Interactive

Kakuriputan ng aktor walang makakakabog

By
2,655

KAPAG kakuriputan na ang pinag-usapan ay walang makakakabog sa isang kilalang male persona­lity na ayon sa kanyang mga katrabaho ay ipinag­lihi yata sa inuyat at sa calculator.

Very consistent siya. Mula nu’ng bagets pa lang siya hanggang ngayong nagkakaedad na siya ay ganu’n pa rin kasarado ang kanyang mga palad. Bantay-sarado ang kanyang bulsa sa lahat ng pagkakataon.

Sabi ng isang source, “Nakow, super-kuring talaga siya! Kapag may nakikisabay sa kotse niya, e, sinasabihan niya talagang maki-share sa panggasolina! Ganu’n siya katindi!

“Di ba, ganu’n din naman ang konsumo nu’n kung may sumabay man sa kanya o wala, pupunta rin naman siya sa lugar, kaya bakit kailangan pa niyang hingan ng panggasolina ang sumasabay sa kanya?

“Pero siya ‘yun, e! ‘Yun na talaga siya! Siyang-siya lang talaga ‘yun, walang makakakabog sa kakuringan niya!” humahalakhak na kuwento ng impormante.

Kuwento ng kanyang mga katrabaho ay mahirap siyang kausap sa pera. Nu’ng minsang mang-imbita sa kanilang fiesta ang isang kilalang personalidad ay walang pagdadalawang-isip na sumagot ang kanyang mga inimbitahan.

“Dahil magkatrabaho naman sila ni kuripot na aktor, ang akala niya, e, okey lang, maiimbitahan din niya ang kaibigan niya nang walang talent fee. Pakisamahan lang, pababaunan na lang niya ng mga produkto mula sa kanilang bayan ang mga magpe-perform na artista.

“No, puwede, sabi ni kuripot na aktor, kailangang may talent fee siya. Kahit kalahati na lang daw ng sinisingil niya sa mga kata­long nang-iimbita. ‘Yun na lang daw ang pakikisamang maibibigay niya sa friend niyang naglalambing sa kanilang fiesta,” nalolokang sabi ng aming source.

Hirit pa ng aming impormante, “Siya pala dapat ang bida sa isang kauumpisa pa lang na serye, day and night, araw gabi, dahil very consistent siya pagdating sa talent fee!”
Ha! Ha! Ha! Ha!

Nasapawan nina Jackie, Andre, Kobe Kris makikipagbati kay James

GINAGASOLINAHAN na naman ng mga bashers si Kris Aquino. May mga nagpapatutsada na naman sa kanya na dahil ayaw niyang nagpapatalo sa kahit sino ay siguradong gagawa siya ng hakbang para magkabati na sila ni James Yap.

At sa kanilang pagkakasundo ay kasama raw siyem­pre si Bimby para kumpleto ang casting. Kailangan daw kasing kabugin ni Kris ang napakagandang kuwento ng muling pagkikita-kita at pagkakasundo ng mag-iinang Jackie Forster, Andre at Kobe.

Dahil ikinaligaya ng publiko ang pagkikita uli ng mag-iina pagkatapos nang labingdalawang taon ay kailangan daw gumawa ng paraan ni Kris na magtagpo rin ang kanyang mag-ama para it’s a tie ang labanan.

May lungkot na hatid ang mga ganu’ng patutsada ng mga bashers ni Kris. Ginagawa na kasi siyang laruan sa social media. Ginagawa na siyang katatawanan. Lahat na lang ng senaryo sa showbiz ay ikinakambal sa kanya.

Hanggang ngayon ay ayaw siyang tantanan sa social media kahit sinabi pa ni Kris sa kanyang IG post na tapos na ang kanyang pinasok na laban. Panahon na raw para harapin niya ang mga susunod na pangyayari sa buhay niya.

Kahit gaano pa kaposi­tibo ang kanyang hangarin ay binibigyan ‘yun ng kakaibang interpretasyon ng publiko. Kumanan siya at kumaliwa lalo na kapag gumitna siya ay siguradong sagasa pa rin ang kanyang aabutin.

Sabi pa ng kaibigan naming propesor, “‘Yan naman ang gustung-gusto niya, di ba? ‘Yung sa kahit anong paraan at dahilan, e, solo niya ang entablado?

“‘Yung wala siyang kahati sa attention ng buong bayan? Ayan, ibinigay naman ‘yun sa kanya, kaya lang, e, magdusa siya sa pagiging nega!”