Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kalat mo, linis mo

0 63

Tone-toneladang basura ang dulot ng mga election materials na ipinaskil at ipinamahagi ng mga kandidato sa nagdaang National and Local Elections.

Karamihan pa sa mga basurang ito, naglalaman umano ng mapangaib na kemikal na posibleng may masamang epekto sa kalusugan at kapaligiran.

Kaya nanawagan ang environment group na Ecowaste Coalition sa pulitiko na kusang alisin at pagbabaklasin ang mga election materials na kanilang ipinakalat nitong nakalipas na botohan.

Pero hindi raw ito natatapos sa simpleng pagtatapon ng basura, dapat din daw na maging wasto at tama ang pag-dispose sa mga ito.

Ayon kay Eileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, hindi dapat sunugin ang election materials lalo na ang mga gawa sa plastic gaya ng tarpaulin. Nagdudulot daw ito ng harmful effects sa kalikasan dahil may cadmium content ang mga naturang election paraphernalia.

Kung tutuusin, puwede itong i-recyle para mapakinabangan. Ang iba, ginagawa itong pang-harang para magsilbing panangga sa ulan o sa matinding sikat na araw. Ang ilan naman, ginagawa itong materyales sa paggawa ng bag o anumang supot na puwedeng magamit sa pamamalengke.

Ang MMDA naman, patuloy sa paghikayat sa mga kandidato na magkusang linisin ang sariling kalat dulot ng mga ipinamahagi nilang campaign materials.

Sa 2nd District ng Caloocan, ang nanalo mismong kinatawan na si Mitch Cajayon-Uy ang nanguna sa pagbabaklas ng mga sarili niyang campaign posters. Ipinost pa niya ang aktuwal na pagtatanggal ng election materials sa kanyang Facebook account.

Dito sa Tanza, lalawigan ng Cavite, nagkusa na ang mga residente na linisin ang mga election poster na nakapaskil sa kani-kanilang gate at pader. Ayon sa ilang nakausap ko, ito raw ang nakikita nilang kontribusyon sa lipunan para mapanatili ang malinis na kapaligiran.

Samantala, tila hindi naman nagkamali ang mga botante na muling mahalal at makapasok sa magic 12 si Reelectionist Senator Francis ‘Chiz’ Escudero.

Sa pag-aaral at pagsasaliksik ng Luntiang Bayan na alyansa ng mga maka-kalikasang grupo, si Chiz ang lumalabas na ‘greenest’ Senator sa mahigit 60 Senatorial aspirants.

Nilinaw ng grupo na wala silang ineendorsong kandidato. Sadyang napili lang daw nila si Chiz dahil sa mga batas na nagawa niya na may kaugnayan sa pagkalinga at pagpapahalaga sa kalikasan.

Sa huli, importanteng makisali tayo sa mga programa ng gobyerno na may kaugnayan sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran dahil tayo ring mga Pilipino ang makikinabang dito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.