Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kalayaan mula sa gamot

0 427

Itong nakaraang linggo ay ipinagdiwang natin ang ika-123 na taon ng ating kalayaan. Isang mahalagang paalala kung ano ang dinaanan ng ating mga ninuno para makuha natin ang kasarinlan na kinagisnan ng nakararami. Sa ating kalusugan, gusto din natin na tayo ay maayos at malayo sa karamdaman, lalo na at nagkalat pa din ang Covid19. Napakadami pang ibang karamdaman ang nakikita at karamihan ay nangangailangan ng gamot. Ang mga kundisyon na ito ay kinabibilangan ng mga sakit sa puso, sa dugo, baga, problema sa metabolism, sa pagkain, at iba pa.

Ang ilan sa mga gamot na maaring ibigay ng mga doktor na panghabangbuhay ay ang mga gamot para sa problema sa thyroid; para sa pagtaas ng cholesterol at triglycerides; proteksyon ng puso at pampababa ng presyon; mga gamot para sa maayos na paghinga; mga panlaban sa pagtaas ng asukal o diabetes; ang ilan ay para sa mga psychiatric na problema; o di kaya may kinalaman sa mga ugat o nerves; at pati na din mga pamproteksyon ng tyan at sikmura. Ang iba ay hindi lang gamot kung hindi mga mga modalities o di kaya mga procedure, gaya ng dialysis.

Kadalasan mapapaisip tayo na wala na bang lunas ang mga karamdaman na ito at talaga bang panghabang buhay na gamutan na lang ba ang solusyon? Ang sagot ay hindi naman lahat. Sa kasamaang palad, maaaring walang ibang pagpipilian, katulad na lang ng mga naoperahan at natanggalan ng thyroid. Kinakailangan na panghabang buhay na uminom ng thyroid hormone. Ngunit ang iba ay hindi naman kinakailangang pangmatagalan, mapa sakit sa puso, baga, diabetes, o kung ano man ang tumaas, pati mga behavioral na kundisyon, (tulad ng ADHD at Autism). Ang pinakamahalaga ay ang pagkontrol nito. Kadalasan ang sinasabi ay kaya nakokontrol ang mga ito ay dahil sa gamot. Ngunit, sa totoo lang, kadalasan din naman, nagpapabaya ang karamihan dahil “may gamot naman” kaya hindi talaga gumaganda ang kundisyon. Kung tunay na makokontrol ang kalagayan, maaari naman ma wean off o dahan dahan matanggal ang mga ito kung maayos naman ang mga resulta ng laboratory. Halimbawa ay ang pagkontrol ng asukal at taba sa katawan. Nababawasan natin ang mga gamot, sa iba natatanggal pa. Pati ang karamihan, mapa pisikal o psychological. Ang mahalaga ay nagagabayan ng inyong doktor, namomonitor ng maayos, sinusunod ang lahat ng mga payo, kumakain ng wasto, umiinom ng tubig, nageensayo, iniiwasan ang mga bawal, higit sa lahat, nagpapahinga, hindi malayong makakalaya din sa paginom ng mga gamot.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Hanggang sa susunod ! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.