Abante Tonite Interactive

Kalbaryo ng mga OFW sa Gitnang Silangan

455

Habang nagsasaya na ang mga Pilipino ­ngayong panahon ng kapaskuhan, patuloy ­namang dumaranas ng kalbaryo ang marami sa mga kababa­yan nating hindi sinu­werte sa kanilang pakiki­pagsapalaran sa Gitnang Silangan.

Kagaya na lamang ng dinaranas ngayon ng ­siyam na overseas Filipino worker sa Saudi Arabia na ikinulong ng kanilang agency sa rooftop ng isang gusali sa Dammam, Saudi Arabia.

Sa pamamagitan ng isang puslit na cellphone ay nagawang makapag-live ang siyam na OFW sa Facebook at nana­nawagan sa gobyerno na sagipin sila mula sa kanilang agency para makauwi na sa Pilipinas.

May sari-sariling kuwento ang siyam na OFW mula sa kani-kanilang amo na ang isa sa mga ito ay pinagkakitaan ng among Arabo.

Ayon kay Rowena Nila Gordo, sa pagkakaalam niya ay “kadama” o kasambahay siya sa kanyang amo subalit ginawa siyang “shagala” o worker na pinagtatrabaho bilang taga-linis ng mga bahay at ang singil ng kanyang amo ay 30 riyal kada oras, at 11 oras itong nagtatrabaho kada araw sa iba’t ibang kliyente.

Muntik na rin aniyang ma-rape ito sa isa sa mga nilinis na bahay dahil ini-lock ng lalaking may-ari ng bahay ang kusina at pinaghihipuan umano ito sa maseselang bahagi ng katawan.

Nagreklamo na aniya ito sa kanilang agency subalit walang ginawang aksiyon kaya lumapit siya sa POLO o Phili­ppine Overseas Labor Office sa Riyadh suba­lit walang aksiyon sa kanilang hinaing dahil pinapirma sila ng staff ng agency ng salaysay na labag sa kanilang loob.

Isang “Annalyn”, Pilipina na staff ng Aldana recruitment office sa Dammam, Saudi Arabia ang nananakot aniya sa kanilang siyam na hindi makakauwi kapag nagsumbong sa Philippine Embassy.

Ang masakit sa lahat, ang siyam na OFW ay ikinakandado umano sa isang kuwarto ng agency at mistula silang mga bilanggo dahil naka-double lock ang pintuan.

Ang mga ganitong sitwasyon ang nagpapaigting sa galit ni ­Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga hindi magagandang ­karanasan ng mga OFW sa Gitnang Silangan.

Galit ang ­Presidente sa mga ahensiyang nagre-recruit at nagpapadala ng mga Pinoy sa Gitnang Silangan dahil wala silang pakialam kung maganda o hindi ang ugali ng dadatnang mga amo. Ang mahalaga lang sa kanila ay ang kikitaing komisyon sa bawat ipinapadalang Pinoy worker.

Ang mga recruitment agency na ito pa ang promotor sa pagpalsipika ng mga pekeng dokumento lalo na kung ang aplikante ay menor de edad, basta ang ­mahalaga ay makatugon sila sa quota ng kanilang counterpart na agency sa Gitnang Silangan.

Sana kumilos ang mga ahensiyang ang mandato ay tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW gaya ng Overseas Workers Welfare Administration, Philippine Overseas Employment Administration at Department of Foreign ­Affairs para maiuwi sa bansa ang siyam na OFW na humihingi ng saklolo mula sa Dammam, Saudi Arabia.

Huwag nating sisihin o husgahan ang mga kababayan nating may mga kinakaharap na pagsubok sa ibang bansa dahil ang hangad lang mga mga ito ay kumita ng marangal at makatulong sa pamilya, at kung nahaharap man ngayon sa mga problema, ito ay sa dahilang hindi nila kayang lunukin ang mga mala-hayop na ­pagtrato sa kanila ng mga ­dayuhan.

Kahit mahirap lang ang mga ito, mayroon silang dignidad na wala sa mga mayayamang pinaglilingkuran.