Abante Tonite Interactive

Kalibre ni Sotto pang-NBA — ex-Team ‘Pinas coach

460

Kung ang dating Philippine national men’s basketball team coach ang tatanungin, si Kai Sotto na ang posibleng kauna-unahang maging homegrown talent na makatungtong sa pinakamalaking liga sa buong mundo.

Sinabi ni Rajko Toroman, na unang naging coach ng Team Pilipinas sa ilalim ng Gilas program, na sa angking tangkad at husay ng 16-anyos, walang duda na siya na ang pinakamalapit na purong Pinoy na makabutas sa NBA.

“One of the tallest Filipinos, he is very talented. He is very young. He has a great future,” ayon sa Serbian national sa report ng Spin.ph. nitong Linggo. “I cannot predict if he can make it to Top 10, [but] he can be first Filipino in draft, for sure.”

Kakaibang hulma ang 7-foot-2 prodigy na anak ng dating PBA player na si Ervin Sotto, bukod sa haba nito ay nagtataglay rin ng saktong liksi para makasabay sa court. Ilan pa sa dapat tingnan ay ang pambihirang shot blocking skills nito at scoring touch.

“With his size and talent – and I hope he improves more and grows muscle – I think he can be a first-round draftee in the future,” hirit niya.

Nasa Atlanta, Georgia ngayon si Sotto para simulan ang NBA dream, dalawang buwang mananatili sa training facility ng NBA team na Atlanta Hawks at matapos ay malalaman kung saan pipiliin maglaro, sa Amerika o sa Europa.

“There are good big men from the Philippines before, but they weren’t able to go a few notches higher because they opted to stay in the Philippines,” saad pa niya.

Ibinulgar din ni Toroman na isang koponan sa Serbia, ang KK Partizan, ay nagpakita ng interes sa binata, ngunit tingin ng beteranong mentor, mas mahahasa pa si Sotto sa Amerika kaysa makipagsapalaran sa Europe.

“For Kai, I think NCAA is the better option than Europe because Filipinos play close to American style of basketball,” panapos niya. (RP)