Abante Tonite Interactive

Kaligtasan ng mga tsikiting sa biyahe sigurado na!

340

Aprubado na ang Implementing Rules and Regulation (IRR) hinggil sa pagpapatupad ng Child Safety in Motor Vehicles Act (RA 11229).

Nakapaloob sa naturang batas ang paggamit ng Child Restraint Systems (CRS) para sa mga bata na wala pang 12-anyos para sa mga pribadong sasakyan.

Ayon sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr) layon ito na matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasaherong bata, at maiwasan ang pagkamatay o pinsala na may kaugnayan sa trapiko.

Nilinaw din dito na walang bata ang maaaring umupo sa harapang upuan ng sasakyan.

Magsisimula ang pagpapatupad sa paglalagay ng CRS sa Pebrero 2021 o isang taon matapos malagdaan ang IRR.

Kasabay nito, magsasagawa ang DOTr ng pagpapakalat ng mga impormasyon upang maiparating ito sa publiko.

Gayundin, pag-aaralan ng DOTr ang paglalagay ng CRS sa mga Public Utility Vehicles. Ang resulta ng pag-aaral ay isusumite ng ahensya sa Kongreso kung posible itong maipatupad.

Kung hindi man, ang iba pang kinakailangang mga panukalang batas para sa kaligtasan at ligtas na transportasyon ng mga bata sa mga PUV ay dapat irekomenda, ayon pa sa DOTr. (Mina Aquino)