Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Kalimutan muna ang van

0 230

Nag-umpisang umarangkada ang pagkahilig ng mga Pinoy sa mga negosyong sasakyang pamasada nang gumulong sa mga kalsada sa bansa partikular sa Metro Manila ang mga Asian Utility Vehicles (AUV).

Nang ipanganak ang Toyota Tamaraw FX na kayang magsakay ng tatlo sa unahan kasama ang drayber, apat sa pangalawang hilera at dalawang hilerang magkaharapan sa likod, unti-unting humina ang negosyong pag-assemble ng mga pampasaherong dyip.

At matapos na lumabas ang FX, sumunod na rin ang Highlander ng Isuzu at Adventure ng Mitsubishi kaya nagkaroon na ng mas maraming pagpipilian ang mga kayang mamuhunan sa negosyong pamasada o pampasaherong sasakyan.

Mula noon, kadalasang ito ang nabanggit na uri ng sasakyan ang naiisip ng mga Pinoy kapag dumating ang pagkakataong kaya na nilang magdown payment o kaya ay bumili ng cash matapos na makapag-ipon sa pagtatrabaho sa ibayong dagat.

Lalo pang yumabong ang ganitong uri ng negosyo o hanapbuhay dahil kalaunan ay lumutang na rin ang mga van na higit na mas marami at komportable mga ang sakay kumpara sa AUV at mas malayo ang kayang marating bunsod ng mas malaki at mas malakas na makina.

Kaya ang mga Pinoy, kapag nagkapera, ito agad ang unang naiisip na paraan para pagulungin ang puhunan dahil hindi na kailangan pang pag-isipan ng malalim basta ang magmamaneho ay marunong mag-alaga, maingat sa kalye at may malasakit sa may-ari.

Pero pagpasok ng COVID-19 sa eksena, nag-iba ang mukha ng halos lahat ng negosyo sa buong mundo at karaniwan na lamang na makakarinig tayo ng pag-aray sa mga mamumuhunan, malakihan man o ‘ika nga ay ang mga tinatawag na small and medium enterprises (SME).

SM food to go Banner Ad

Biglaang humina ang pamamasada dahil ang mga tao ay napipilitang manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at namatay din ang sektor ng arkilahan bunga ng umiiral na sistemang pangkaligtasan ng gobyerno.

Ang dating hayahay na pamumuhay ng mga may van ay nabaligtad at halos lahat ng mga hindi tapos magbayad ng hulog ay nagbubutil-butil ang pawis sa tuwing palapit na ang petsa de-peligro sa pangambang mahatak ng bangko ang kanilang mga sasakyan.

Ang iba namang nagpupumilit pa rin na kumita ay nadadale ng mga awtoridad gaya ng IACT dahil sa kakulangan ng mga papeles kaya imbes na kumita, abono pa kinahahantungan.

Ang mga pangyayaring ito ay indikasyon na sa panahon ngayon, hindi tugma at hindi mainam na gawing negosyo ang pagkuha ng van.

Pinakamagandang gawin ng may mga naitatabing pang-downpayment ay mag-isip na muna siguro ng ibang paraan para pagulungin ang kanilang pera dahil hindi pa nababatid kung kailan babalik o babalik pa ba ang lahat sa dating normal na galawan.

Huwag na huwag po munang magkamali sa pagdesisyon lalo na kung ang naiisip na paraan para kumita ay ang pagkuha ng pampasadang van.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.