Abante Tonite Interactive

Kalinisan dapat sa loob at maging labas ng bahay

261

Sana sa darating na Bagong Taon ay maging New Year’s resolution ng bawat taga-Maynila na maging malinis saan mang lugar sila naroon, kahit na anong araw, kahit anong oras at kahit walang nakatingin. Mas maganda pa nga kung kahit hindi pa Bagong Taon ay simulan na natin ang pagiging malinis, ngayon na mismo.

Sa loob kasi ng mga nakalipas na ilang taon ay tila nahirati na ang marami sa nakagawiang marumi, dugyot at mabahong kapaligiran. Nagmistula nang normal ang ganitong uri ng kalagayan ng lungsod.

Kaya naman kapag sinasabi ko na unti-unti ay ating pinaliliguan ang lungsod, literal din ang ibig kong sabihin dito, dahil literal din na nanggigitata ang napakara­ming bahagi ng Maynila.

Huwag na kayong lumayo. Sa loob, paligid at tabi ng Manila City Hall, makikita ang labis na dungis. ‘Yung nakikita ninyong ganda ngayon ng Bonifacio Shrine, grabeng kuskusan, sabunan, linisan at flushing ang ginawa diyan dahil pinamahayan na ng sandamakmak na ‘etchas’ at marka ng ihi ang buong bisinidad.

Bawat isa sa atin ay mayroong maaaring mai-ambag sa pagsusulong ng kalinisan.

Kung ikaw ay kawani, panatilihin mong malinis ang lugar na iyong pinagtatrabahuan. Kung ikaw ay may-ari ng ta­hanan, manong panatilihin mong malinis ang harapan man lang ng iyong bahay.

Sa paaralan, kalsada o parke, itapon mo sa tamang sisidlan ang iyong basura. Huwag kang dudura o iihi kung saan-saan.

Kaya nga sa mga nagkakalat at nagdudumi sa kalsada, hindi ko maunawaan kung bakit sila salaula. Simple lang naman ‘yan eh. Kapag kayo ay naiihi o nadudumi sa loob ng bahay, hindi ba’t sa banyo kayo nagpupunta? Bakit?

Dahil ayaw nating dumihan ang loob ng ating pamamahay, dahil pag-aari natin ito.

Hindi ako nagsasawa sa pananawagan ng kalinisan dahil iba kapag malinis ang kapaligiran. Maaliwalas din ang nagiging pananaw ng bawat isa.

Ang mga kalsada, underpass at bangketa, pawang pag-aari rin na­ting lahat bilang mga taga-Maynila. Hindi ba’t tayo ay nagbabayad ng buwis?

Samakatwid, pag-aari natin ang mga ‘yan at dapat din na­ting protektahan gaya ng pagbibigay proteksyon natin sa mga personal nating pag-aari. Kaya sana, kung gaano tayo kalinis pagdating sa loob ng ating sariling bahay, gayundin sana tayo ‘pag nasa labas ng bahay.

Marahil para sa ilan, maliit ang tingin natin sa mga ganitong uri ng panawagan. Hindi po. May mas malalim na dahilan kung bakit tayo nananawagan.

Ang pagiging malinis ay maaaring makahawa, bagama’t sa kasamaang-palad ay gayundin ang pagiging balahura o dug­yot. Pupuwede rin itong makahawa, gaya na nga ng nangyari nitong mga nakalipas na taon.

Kaya naman sana ay ituring natin bilang sarili nating tahanan ang ating sariling lungsod nang sa gayon, kami naman sa pamahalaang lungsod ay hindi na kailangan pang maging abala sa pagpapaalala ng kalinisan.

Sa halip, maitutuon namin nang todo ang aming pansin sa kung paano aasenso ang bawat Manilenyo.

Hindi ko maipapa­ngakong gagawin kong mayaman ang lahat ng taga-Maynila, pero ambisyon ko na mapabuti naman kahit paano ang katayuan ng buhay ng bawat isang taga-lungsod.

Tinitiyak ko, hindi kami titigil ni Vice Mayor Honey Lacuna sa paghahanap ng paraan para tumaas ang antas ng buhay ng mga Manilenyo.

Naroon na tayo. Ang pagiging dugyot ay hindi maikakailang epekto ng mga nangyari at nakasanayan sa nakaraang mga taon.

Hindi na makatutulong o makabubuti pa sa kasalukuyang sitwasyon kung maninisi pa tayo o manunumbat kaya kumilos na lang tayo nang kusa para panatilihing maayos, malinis at malusog ang ating kapaligiran.

Gawin natin ito nga­yon nang sabay-sabay hindi na para sa atin kundi para man lamang sa ating mga anak, apo at sa mga susunod na henerasyon.

Pagkaisahan natin ang mga pagkilos para sa ating kabataan, para sa bagong Maynila.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.