Abante Tonite Interactive

Kalinisan, seguridad ng mga mamimili tututukan sa Taytay Tiangge

0 87

Sinimulan na ang mahigpit na pagpapatupad ng kalinisan at seguridad sa tinaguriang ‘Garments Capital of the Philippines’ na Taytay Tiangge na kung saan ay inaasahan ang pagdagsa ng mga mamimili ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay Vic Badaguas, tagapa­ngasiwa ng Taytay Tiangge, inaasa­han na nila ang pagdagsa ng mga mamimili kaya ngayong buwan pa lang ay mahigpit na silang nagmo-monitor upang matiyak ang kaligtasan ng mga dayuhan at turistang namimili ng mga pangregalo, mga damit, textile, sapatos, bag at iba pa na makikita sa tiangge sa murang halaga.

Umabot sa 7,000 mga tenant ang tiangge kaya naman maraming mapagpipilian at gaganahang mami­mili.

Siniguro naman ni Taytay Mayo­r Joric Gacula na mapapanatili ang kaligtasan sa kanilang ipinagmamala­king garments capital of the Philippines dahil inaasahan nilang dadagsain ng mga mamimili mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang Taytay Tiangge.

Sa ngayon ay isinailalim sa ‘Discipline Zone’ ang naturang lugar na matatagpuan sa Club Manila East at palibot nito na nangangahulugang kailangan sundin ng mga parokyano ang ipatutupad nilang mga batas.

“Ito ang sinabi ng ating Mayor na magiging sentro kami ng turismo, lalo na’t ang mga organizer ay may mga kani-kaniyang ‘pakulo’ para maka-attract ng mamimili,” ayon kay Badaguas.

Bukas ang Taytay Tiangge mula alas-7:00 nang umagahanggang alas-10:00 nang gabi araw-araw para sa pamimili ng regalo ngayong Kapaskuhan. (Vick Aquino)