Abante Tonite Interactive

Kaliwa Dam project pinaimbestigahan ng Rizal congressman

0 717

Iginiit ni House Assistant Majority Floor Leader Fidel Nograles na magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara hinggil sa diumano’y maanomalyang pag-award ng kontrata sa isang Chinese company para sa Kaliwa Dam Project (KDP) sa kabila ng kakulangan nito sa mga requirement.

Sinabi ng kongresista mula sa lalawigan ng Rizal na kailangang tiyakin na ibibigay ang proyektong ito sa isang kompanya na mayroong sapat na kakayahan para gawin ang Kaliwa Dam.

Binanggit ni Nograles, chairman ng House committee on justice, ang natuklasan ng mga state auditor sa 2018 annual report ng Commission on Audit kung saan kinumpirma anya ng technical working group ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na tatlong Chinese contractor ang kinuha para sa Kaliwa Dam project sa kabila ng kakulangan ng mga ito sa prequalification requirements.

Sinabi pa ni Nograles na ang Notice of Award ay inilabas bago pa man magawa ang Notice to Proceed.

“It is imperative that an investigation on the flagged awarding of KDP to Chinese firms be conducted,” ayon kay Nograles.

Kailangan aniyang siguraduhin na walang special treatment na ibibigay sa mga project contractor at sa lahat ng mga sangkot sa proyekto.

Ang P18.7 billion New Centennial Water-Kaliwa Dam Project ay inaasahang magbibigay ng karagdagang water source o 600 milyong litro ng tubig kada araw para sa lumalaking populasyon sa Metro Manila.

Ayon kay Nograles, saka pa lamang masasabing “done deal” na ang proyekto kapag naipaliwanag ng mabuti ng mga sangkot dito ang mga kontrobersiya hinggil sa awarding ng Kaliwa Dam project at magkaroon ng maayos na bidding para maibigay ito sa karapat-dapat na contractor. (JC Cahinhinan)