Abante Tonite Interactive

Kaliwa’t kanang grasya

By
329

Higit sa isang milyon ang nagtatrabaho sa gobyerno, pero ang mga pulis at sundalo, nakakarami na ng kabig na siyang nagpataas sa kanilang kita at benepisyo. Ngayong taon lamang, nabigyan sila ng dagdag sahod. Halos doble ang itinaas ng kanilang suweldo kaya’t parang kapantay na nila ang suweldo ng ibang propesyunal na nagtatrabaho sa gobyerno.

Ngayong umaariba ang inflation sa bansa, may nakalaan naman sa kanilang P2.9 bil­yong rice subsidy. Isinahog na ito sa panukalang P3.757 trilyong General Appropriations Act (GAA) para sa taong 2019.

Kuwenta ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, 20 kilo ng bigas kada buwan ang matatanggap ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG) at National Mapping and Resource Information Authority (Namria). Ikakarga ito sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).

Sa loob ng walong buwan, patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas at hindi ito ikinakaila ng Philippine Statistics Autho­rity (PSA). Sa kanilang pagsasaliksik, pumalo sa P45.71 per kilo ang presyo ng well milled rice noong Agosto, mataas ng siyam na porsyento kumpara noong taon. Maging ang regular milled rice, umakyat na rin sa P42.26 ang bawat kilo, mataas ng 11 por­syento kumpara noong 2017.

Kaya malaking tulong sa mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel ng gobyerno ang ibibigay sa kanilang rice subsidy. Malamang na magselos naman diyan ang mga guro, nars at iba pang nagtatrabaho sa gobyerno. ‘Paano naman kami?’ ang posibleng sabihin sa gobyerno ng ibang hindi nabiyayaan ng rice subsidy.