Abante Tonite Interactive

Kalokohan ni Cardema ‘di kukunsintihin ng Palasyo

451

Nagpahayag ng pagkadismaya ang Malacañang sa mga ginawang aksyon ni da­ting National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema kaugnay sa midterm election.

Nakatanggap kasi ng impormasyon ang Palasyo na nag-preside pa si Cardema ng pulong ng NYC noong Mayo 15 o tatlong araw matapos itong maghain ng certificate for substitution sa Duterte Youth party-list.

Bagama’t masugid aniyang supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte si Cardema, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala itong kinalaman sa mga ma­ling ginawa ni Cardema bilang isang opisyal ng gobyerno.

“With respect to being a supporter of the President, as we have already repeatedly said, no allies, no friends, no supporters. If they committed any wrong, [they will not] be tolerated by this government,” ani Panelo.

Dahil dito, ipinaubaya umano ng Palasyo sa Department of Justice (DOJ) ang kaso ni Cardema at tiniyak naman aniya ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pag-aaralan nito ang posibleng pagsasampa ng kaso.

Hindi sinabi ni Panelo kung anong kaso ang posibleng isampa laban kay Cardena pero sigurado aniyang iimbestigahan ng DOJ ang mga alegasyon na ginamit nito ang NYC bilang election arm ng Duterte Youth Party-list.