Abante Tonite Interactive

Kaluluwa ng kaibigan kasama kahit saan

300

Mga ka-Misteryo Ano ang gagawin ninyo pag may nagsabi sa inyo na may lagi kayong kasamang multo? Matatakot ba kayo? Paano kung ang kasama ninyo palagi ay ang kaluluwa pala ng matalik ninyong kaibigan?

‘Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Namatay kamakailan ang matalik na kaibigan ni Mary ng Cebu City kaya’t labis ang kanyang paghihinagpis dahil pumanaw na ang best friend niya na sumbungan niya at laging nalalapitan kapag may matindi siyang problema.

Pero kailangan niyang harapin ang katotohanan na hindi na niya makikita ang ma­talik na kaibigan pero alam niyang palagi pa rin niyang makakasama kahit nasa kabilang buhay na.

Hindi nga siya nagkamali dahil nagpapakita sa kanya ang kaibigan kahit saan siya magpunta at kahit ano ang gawin niya kailangan may espasyo para sa kanya tulad ng sariling upu­an at maging sa kanyang higaan.

Bilang clairvoyant o may abilidad na makita ang mga kaluluwa sa paligid ay hindi nahirapan si Mary na makita ang kaibigan at nakakausap pa niya.
Ito ang inusisa ng #Misteryo kay Mary.

Misteryo: “Eh Paano ‘yun kahit saan ka ba magpunta nakikita mo siya?”

Mary: “Hindi sa lahat ng oras nakikita ko siya pero madalas siyan­g magpakita sa akin para patunayan niyang isa siyang matalik na kaibigan.”

Misteryo: “Sa paanong paraan siya nagpapakita? Hindi ka ba natatakot? O kaya naman pagkamalan kang isang baliw kapag nakita kang nagsasalita nang mag-isa.”

Mary: “Unang nagpakita siya sa aking pana­ginip at sinabi niyang hindi niya ako iiwan kahit nasa kabilang buhay na siya. Sa ngayon nakikita ko siya kahit gising ako at saan ako magpunta sa katunayan nga kasama ko siya sa Sinulog Fiesta. At nakakausap ko siya pero hindi ko ipinakikita sa ibang tao.”

Misteryo: “Ibig sabihin hindi ka na nalulungkot ngayon dahil parang hindi naman siya nawala sa iyong buhay ay lagi mong kasama ang best friend mo?”

Mary: “Nabawasan ang sakit pero may time na naiiyak ako kasi hindi ko naman siya nahahawakan kahit nakikita ko ang kaluluwa niya at hindi tulad ng dati lagi ko siya kasama sa pictures.

Ang karanasan ni Mary ay maaari ring maranasan ng iba pero hindi rin maiaalis ang takot ng iba lalo na kapag alam naman nilang patay na ang kanilang kaibigan at hindi sanay na makakita ng kaluluwa na la­ging nakabuntot sa kanila. Mahalagang ipagdasal ang kaluluwa ng sinuman para tuluyang makatawid sa kabilang buhay.