Abante Tonite Interactive

Kalupitan ng showbiz humampas kina Ariel, Maverick

1,566

RODEL FERNANDO: Naging emosyonal kami pagkatapos mapanood ang pelikulang “Kings of Reality Shows”. Bida ang pamosong tandem na sina Ariel Villasanta at Maverick Relova na sumikat sa mga reality show. Kasama rin sa movie si Mommy Elvie Villasanta. Mahirap pala ang pinagdaanan ni Ariel sa pagbuo ng pelikula. Ang kaniya kasing partner na si Maverick ay nawalan na ng interes dito matapos ang mahabang panahon na gawin ito noon ng GMA Films na sa Amerika pa ang shooting.

Dahil nanghihinayang siya ay kinailangan niyang bilhin ang rights nito sa GMA Films. Siya na ang nagdirek, sumulat at tumapos ng pelikula. Kinapalan niya ang kaniyang mukha para humingi ng tulong sa mga politiko at kapwa niya artista. May balita rin na isinanla niya ang kanyang bahay para rito.

May isang part ng film na napahagulgol kami sa iyak. Habang nasa Amerika kasi si Ariel ay nasa ospital naman ang kaniyang ina na kahit maysakit ay kapakanan pa rin ng anak ang iniisip niya.

Sana ay suportahan ng mga tao ang movie at inirerekomenda namin ito na panoorin. Bukod sa very entertaining ang movie ay may kurot din ito sa puso. Suporta na rin kay Ariel na habang tinatapos niya ang pelikula ay dumaan siya sa depresyon, namatay ang ina at iniwan siya ng kanyang partner na si Maverick.

ROMMEL PLACENTE: Base sa napanood naming pelikula nina Ariel at Maverick, totoo ang sinabi ni ka-Cuatros Rodel na may kurot ito sa puso. Sobra kaming naawa sa pinagdaanan ng dalawa lalo na ni Ariel. Pati na rin ang hindi pakikipag- communicate sa kanya ng dating kaibigan at ka-tandem na si Maverick. Siguro ayaw na talaga nitong balikan at alalahanin ang showbiz. Sobra siguro siyang na-depress nang bigla silang malaos na hindi nila na-maintain ang kasikatan. Dapat inasahan na rin niya ‘yun na ang mga artista o celebrity ay hindi laging nasa itaas, darating din talaga ang time na malalaos sila. At ‘yun ang dapat nilang pinaghandaan.

At least, sumikat naman sina Ariel at Maverick. Sila talaga ang “Kings of Reality Shows” na title ng kanilang pelikula. Showing na ito sa November 27. Sana ay panoorin ng tao para malaman nila ang naging journey ng dalawa.

MILDRED A. BACUD: Tumatak nga sa akin mga ka-Cuatros ‘yung payo ng bestfriend ni Ariel sa nasabing pelikula. Bakit isusugal ni Ariel ang lahat para matapos ang movie sa puntong nag-solicit at nagsanla siya ng bahay? Is it worth it? Iba na rin ang lagay ng paggawa ng pelikula ngayon. Totoo naman.

Sa reyalidad kahit pelikula na ng mga sikat na artista, nagpa-flop pa. Pero pinagpatuloy pa rin ni Ariel na alam nating passion din naman ang magpasaya ng tao. Kaya nga after 10 years, eto ipapalabas na. Nabagabag ako umpisa pa lang ng movie. I was moved till the end. Nu’ng napanood ko ang “The Kings of Reality Shows”, napatunayan kong iba talaga magpaiyak ang mga komedyante. Sa isip ko napakanta ako ng, “Isn’t it rich? Are we a pair? Me here at last on the ground, you in mid-air, where are the clowns?”

Tapos na nga ba ang adventures nina Ariel at Maverick? Marami sana ang manood ng kanilang pelikula to make them feel may lugar pa sila sa showbiz.

RONA AVECILLA: Talagang makikita mong ibinuhos lahat ni Ariel ang kanyang effort para lang matapos ang pelikula niya. Dahil nga wala siyang kakayanan sa pangmalakasang pag-promote ng sarili niyang pelikula ay siya na lang mismo ang dumiskarte.

Kung minsan nga ay makikita mo siya sa mga live coverage bitbit ang malaking tarpaulin ng pelikula niya. Siyempre, para na rin siyang nag-advertise ‘di ba. Tinawag niya pa nga itong Manual Marketing.

Well, sana talaga ay suportahan ito ng mga manonood. Dugo’t pawis ang inalay dito ni Ariel.

Sa pelikulang ito makikita ang kalupitan ng showbiz na naranasan nina Ariel at Maverick. Dapat ay maging handa ka ‘pag bumaba ang popularidad at nawalan ng proyekto.

Akma rin ang theme song ng movie na “Ang Pipit”. Bagay ang lyrics sa nangyari sa career nila. “May pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy… At nahagip ng bato ang pakpak ng munting ibon… Dahil sa sakit, di na nakaya pang lumipad… At ang nangyari ay nahulog, ngunit parang taong bumigkas…”

Pero dahil talented sila at madiskarte, nandiyan pa rin ang pelikulang “Kings of Reality Shows” na mapanood ngayong Nov. 27. Marami ang makaka-relate sa pelikulang ito lalo na ang mga struggling artist na pinag-alayan ng pelikula. Mapapanood din ang struggling nina Ariel at Maverick sa Hollywood at sa “American Idol”.